Home OPINION ‘DIRECT WITNESS’ VS DIGONG?

‘DIRECT WITNESS’ VS DIGONG?

267
0

NAGKUKUMAHOG ang prosecutor o piskal sa International Criminal Court sa paghahanap ng ebidensya laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ngayo’y nakakulong sa The Hague, Netherlands kaugnay ng giyera sa droga.

Naghahanap ito ng umano’y “direct witness” laban kay Pang. Digong at sinomang nakasama nito sa pagpapairal ng nasabing giyera.

“Direct witness” umano ang kailangan.

Kabilang sa mga direct witness ang magsasabing nakakita kay Digong na pumatay, nakasama niya sa pagpatay, personal na nag-utos sa kanya na pumatay at iba pa.

Ayon sa prosecutor, nasa pre-trial pa lamang ang kaso o panahon ng paghahanap pa ng ebidensya at imbestigasyon at wala pa sa pormal na pagbasa ng paratang laban kay Digong sa harap ng huwes at korte.

Wala pa ang kaso sa antas ng arraignment kung tawagin at tatanungin ng huwes ang akusado kung guilty o nagkasala ito sa paratang o hindi.

Sabi ng mga abogado ng mga biktima dito sa Pinas, sapat na umano ang mga ebidensya ngunit nangangailangan pa ng mga karagdagang ebidensya upang maging komprehensibo o kompleto umano ang mga ito.

Upang matugunan ang pangangailangan ng “direct witness”, kailangan umanong manggagaling mismo sa hanay ng mga pulis at iba pang tauhan ng gobyerno mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan o sinomang makapagpapatunay ng direktang ugnayan nito kay Digong sa pagpatay.

Matanong nga natin: Ano talaga ang nangyayari at kailangan ng prosecution ang “direct witness/es”?

Akala ko ba, napakarami na ang nakalap na mga testigo at iba pang mga ebidensya na magdidiin kay Digong sa pagpatay at sa katunayan, libo-libo ang gustong magtestigo?

Ngayon, sinasabi ng mga awtoridad na sinomang gustong mag-apply na testigong direct witness, dapat na sumailalim sa legal advice para hindi ito magkalat at makapagpapahina sa kaso.

Dahil sa problema sa kawalan o kakulangan ng direct witness, may posibilidad bang mapawawalang-sala si Digong?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here