Home OPINION E-BIKE AT E-TRIKE, MAAYOS SA PAPEL, MAGULO SA KALSADA

E-BIKE AT E-TRIKE, MAAYOS SA PAPEL, MAGULO SA KALSADA

379
0

HILAW! Ito ang paglalarawan ng Lawyers for Commuters Safety and Protections sa kasalukuyang panghuhuli at regulasyon sa mga e-bike at e-trike sa Metro Manila at mga karatig-probinsya.

Sa gitna ng umiiral na Electric Vehicle Industry Development Act o Republic Act No. 11697, malinaw ang banggaan ng intensyon ng batas at ng aktuwal na implementasyon sa lansangan.

Ang EVIDA Law ay isinulong upang palakasin ang electric vehicle industry, bawasan ang pag-asa sa imported na langis, at itulak ang malinis at sustainable na transportasyon. May mga insentibo, tax breaks, exemption sa coding, at malinaw na roadmap para sa EV manufacturing, charging infrastructure, at human resource development. Sa papel, progresibo. Sa prinsipyo, makakalikasan. Ngunit sa reyalidad ng kalsada, nagiging pabigat at dahilan ng kalituhan.

Sa Metro Manila, biglaang hinuhuli ang mga e-bike at e-trike dahil umano sa kawalan ng rehistro, lisensiya, o malinaw na ruta.

Sa mga probinsya, maluwag ang patakaran. Ang resulta nauwi sa doble-karang sistema na nag-iiwan sa mga drayber at ordinaryong commuter ng kaguluhan at pangamba. Paano nga naman ipatutupad ang isang batas na nagpo-promote ng EVs habang sabay mong itinuturing na parang iligal ang pinaka-abot-kayang anyo nito para sa mahihirap?

Hindi rin maikaila na maraming e-bike at e-trike ang kulang sa safety features at disiplina sa kalsada. May isyu sa overspeeding, maling linya, at kawalan ng kaalaman sa batas-trapiko. Ngunit hindi ba tungkulin ng gobyerno na maglatag muna ng malinaw na patakaran, training, at imprastraktura bago ang malawakang panghuhuli?

Ang EVIDA Law ay may mandato sa charging stations, parking slots, at suportang ekosistema. Nasaan ito sa Metro Manila? Nasaan ang malinaw na classification kung alin ang pwedeng pumasok sa national roads, alin ang pang-loob-barangay lamang? Hanggang hindi malinaw ang mga patakarang ito, ang panghuhuli ay magmumukhang pahirap, hindi proteksyon.

Kung tunay na layunin ng pamahalaan ang green transport at commuter safety, dapat sabay ang regulasyon at suporta. Hindi pwedeng papogi sa press release pero malabo sa sabaw ng pusit sa huli o paniniket, multa, at kumpiskasyon. Ang e-bike at e-trike ay hindi problema subalit ang problema ay ang magulong pagpapatupad ng batas.

Sa huli, ang EVIDA Law ay dapat magsilbing tulay tungo sa maayos at ligtas na modernisasyon, hindi pader na lalong magtutulak sa mga commuter at maliliit na drayber sa gilid ng kalsada.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here