Home OPINION PABOBO NANG PABOBO HABANG TUMATAGAL

PABOBO NANG PABOBO HABANG TUMATAGAL

235
0

ALAM ba ninyong sa ngayon, eh, sa 1,000 estudyante sa Grade 10, 14 lang ang pasado sa gradong 75 pataas at sa Grade 12, 4 na lang?

Ito’y sa larangan na pag-intindi ng binabasa, magbilang o magkuwenta at makaisip ng isang bagay mula sa data o datos sa harapan niya.

‘Yun bang === sa larangan ng reading, math at science.

Lumalabas din sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education o Edcom 2 na tila mataas ang sukatang 75 at pinag-iisipan kung ibaba ito para darami sana ang masasabing matalino o bright o proficient na bata.

HABANG NAGTATAGAL, PABOBO NANG PABOBO

Ito pa ang masaklap, mga Bro.

Habang nagtatagal, pabobo nang pabobo ang mga estudyante, ayon sa Edcom 2.

Noong 2024, sa ilalim ng Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment o Ellna, may 30.52 porsyento sa Grade 3 na umano’y magagaling o proficient o highly proficient kaya nasa 70% ang hiraaaaap na hiraaaaap sa pagbabasa na may pagkakaintindi, pagkwenta at pagbuo ng mga idea sa harap ng mga datos.

At sa panahong ito dapat makita ang pundasyon ng edukasyon.

Pagdating nila sa Grade 6, 19.56 porsyento na lang o 1 sa bawat 5 mag-aaral ang bright, batay na rin sa 2024 National Achievement Test.

Pagdating nila sa high school, anak ng tokwa, 1.36% na lang ang proficient lalo na sa Grade 10 at nasa .4% na lang sa Grade 12 o senior high school.

Ibig sabihin nito, ayon sa pag-aaral, sa bawat 1,000 estudyante sa Grade 10, 14 lamang ang bright at sa 1,000 sa Grade 12, 4 na lang.

ANYARE?

Ano nga kaya ang mga dahilan kung bakit pabobo nang pabobo ang mga estudyante habang tumataas ang kanilang antas ng pag-aaral?

Nasaan ang palaging sinasabi ng mga guest speaker at mga principal tuwing graduation day na “world class” ang edukasyon ngayon?

Dapat pag-aralan nang husto ng mga kinauukulan kung ano-ano ang mga pangunahing dahilan ng masamang pinatutunguhan ng edukasyon ng mga Pag-asa ng Bayan ni Gat Jose Rizal.

Kabilang ba sa mga problema ang 60 lang na klasrum na naitayo sa buong 2025 mula sa target na mahigit 1,000 at 200 lang ang inaasahang maitatayo sa 2026 mula sa target na 2,370?

Kabilang din ba sa mga problema ang malawakang pagbaha na nakasisira sa pagpasok sa iskul at mga paaralan, lalo na sa tag-ulan, dahil ibinulsa ng mga mambabatas at taga-Malakanyang ang mga pondo para sa paggawa ng mga kontra-bahang proyekto?

Humihina rin ba ang utak ng mga titser kaya nagbubunga ng sumasamang talino ng mga bata?

Kakambal ba ng palala nang palala na kabobohan ng mga bata ang paghihirap ng higit na nakararaming Pinoy?

Nasaan ang tekonolohiya, gaya ng internet na source ng walang hanggang kaalaman, na makatutulong sa de-kalidad sanang edukasyon?

DAPAT KUMILOS LAHAT

Pangunahing responsibilidad ng mga awtoridad at gobyerno ang pagpapaunlad ng edukasyon na siyang pinakarurok ng mismong Konstitusyong 1987.

Nasaan ang mga pagkilos ng mga ito upang mapigilan ang pagtungo at pagkahulog sa bangin ng kabobohan ng mga kabataan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here