MANILA, Philippines – Ipinahayag ng defense team member na si Michael Poa na normal lamang ang mga diskusyon o hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng prosecution at defense panel sa pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang ambush interview noong Huwebes sa Senado, habang naka-break ang pre-trial, itinanggi ni Poa na may tensyon sa pagitan ng dalawang panig at sinabing ang mga napag-usapan ay karaniwang isyu lamang sa ganitong yugto ng paglilitis.
Hindi na niya idinetalye ang pinagmulan ng hindi pagkakasundo, ngunit sinabi niyang naresolba ito ng magkabilang panig at makatutulong pa ito para mapabilis ang proseso ng pre-trial.
“It was not tense, that kind of disagreements are normal during a pre-trial, so we were able to settle it. So, I think it was a good morning session, at least we found ways to expedite the proceedings. As you know, we are moving faster, we are now in the marking [of evidence] now,” ani Poa.
Dagdag pa niya, “There were no tensions, of course it is normal during a trial, especially in the pre-trial stage, that’s normal, there are disagreements. But even then, I think it was good because we were — both parties — were able to settle differences.”
Nauna rito, nagsimula na ang pre-trial conference kung saan pinag-uusapan ng prosecution at defense ang mga stipulation ng facts, witnesses, at ebidensyang ipapasa sa impeachment trial.
Ayon sa Senate Impeachment Court, layunin ng pre-trial na ayusin ang mga isyu tulad ng pag-amin sa ilang ebidensya, bilang ng witnesses, iskedyul ng paglilitis, at iba pang hakbang para mapabilis ang proseso.
Nilinaw din na sarado sa media at publiko ang pre-trial conference upang mabigyan ng malayang espasyo ang magkabilang panig sa pag-uusap.
Sa isinumiteng pre-trial brief ng depensa, kabilang sa mga nais ipatawag bilang testigo si dating Senador Antonio Trillanes IV at dating aide Ramil Madriaga, kasama ang mahigit 40 iba pa.
Kabilang din sa posibleng testigo ang ilang dating opisyal tulad nina Lucas Bersamin, Amenah Pangandaman, Ombudsman Jesus Crispin Remulla, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Giit ng depensa, hindi umano naibigay ng House ang ilang mahahalagang dokumento at iginiit na hindi dapat isama sa ebidensya ang mga hindi nakapaloob sa orihinal na reklamo.
Nakasaad din sa kanilang isyu kung may sapat at kredibleng ebidensya laban kay Duterte at kung lumabag ang Articles of Impeachment sa kanyang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon. RNT/MND