Home NATIONWIDE Displaced workers sa Zambo inayudahan; dagdag na P100 sahod, iginiit ni Bong...

Displaced workers sa Zambo inayudahan; dagdag na P100 sahod, iginiit ni Bong Go

MANILA, Philippines- Libo-libong nawalan ng trabaho ang inayudahan ni Senator Christopher “Bong” Go sa Zamboanga City.

Sa kabila ng panandaliang pagkawala ng kuryente, ipinakita ang katatagan at dedikasyon ni Go at ng kanyang Malasakit Team nang ipagpatuloy ang pamimigay ng mga tulong.

Sa aktibidad na isinagawa sa Zamboanga Peninsula Polytechnic State University, personal na namigay si Go at ang kanyang Malasakit Team ng iba’t ibang tulong sa 2,652 displaced workers.

Nagbigay rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng oryentasyon sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program na sinuportahan ni Senator Go kasama ng lokal na pamahalaan.

Pinuri ng senador ang DOLE sa kanilang maagap na pagtugon sa mga hamon na kinakaharap ng mga mahihirap at nawalan ng trabaho. Ang TUPAD program, na pinasimulan ng DOLE at laging suportado ni Go, ay nagbibigay ng emergency na trabaho at oportunidad sa kabuhayan sa mga nawalan ng pinagkakakitaan dahil sa krisis.

“Ang programang ito ay mahalaga sa pagbibigay ng pansamantalang trabaho at pagtulong sa ating mga kapwa Pilipino na makabangon muli,” ayon kay Go.

Bukod pa rito, inihain ni Go ang Senate Bill No. 420 upang magtatag ng isang panandaliang programa sa pagtatrabaho sa mga karapat-dapat na indibidwal mula sa mga mahihirap na sambahayan.

Sa kanyang panukala, lilikhain ang Rural Employment Assistance Program (REAP) upang magkaloob ng pansamantalang trabaho sa mga indibidwal na mahihirap, nawalan ng tirahan, o seasonal workers.

Upang mapagaan naman ang pinansiyal na pasanin ng mga manggagawang Pilipino, patuloy na isinusulong ni Go ang SBN 2534 na naglalayong dagdagan ng P100 ang arawang minimum na sahod sa buong bansa kung ito magiging batas.

Samantala, pinasalamatan ni Go ang ang mga lokal na opisyal para maging matagumpay ang event, kinabibilangan nina Congressman Khymer Adan Olaso, Mayor John Dalipe, at Vice Mayor Pinpin Pareja.

“Sa gitna ng mga pagsubok, nais kong ipaabot ang aking taos-pusong suporta at pag-asa para sa inyong lahat. Ako ay patuloy na sumusuporta sa mga programang pro-poor upang matulungan ang bawat isa sa inyo, lalo na ang mga nawalan ng trabaho,” sabi ni Go. RNT