MANILA, Philippines – Binuksan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kauna-unahan nitong dalawang Migrant Workers Offices (MWOs) sa Vienna, Austria at Budapest, Hungary upang ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa 37,373 overseas Filipino workers (OFWs) sa Central Europe.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na ang bagong bukas na MWOs ay layon na suportahan ang tumataas na bilang ng OFWs sa Central Europe, gayundin ang pagbibigay ng gabay sa dayuhan employers sa legal na proseso ng pagrecuit at pagdeploy ng mga manggagawang Filipino at magtitiyak na makakatugon para sa komprehensibong tulong sa mga OFW kabilang ang legal, labor, medical, at welfare assistance.
Sinabi ni DMW Undersecretary for Policy and International Cooperation PY Caunan na bago ang pagbubukas ng dalawang bagong MWOs, ang Hungary at Vienna ay dating nasa ilalim ng saklaw ng MWO sa Milan, Italy.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Caunan na ang DMW ay gumagawa ng mga kinakailangan sa dokumentaryo para ang MWO Budapest ay ganap na gumana.
Aniya, ang Republic Act (RA) 11641 o ang Migrant Workers Act, ay nagtatakda na dapat magkaroon ng MWO sa mga bansa kung saan ang Pilipinas ay may embahada o konsulado.
Mayroong humigit-kumulang 8,000 OFW sa Austria at humigit-kumulang 12,000 OFW na pinagsama sa Croatia, Slovenia at Slovakia, mga bansang sakop ng MWO-Vienna.
Sa kabilang banda, kabilang sa hurisdiksyon ng MWO-Budapest ang Bosnia and Herzegovina, Bulgaria, Romania, Serbia, Moldova, at Montenegro na may kabuuang 5,373 OFWs.
Sinabi pa ni Caunan na ang mga bagong MWO ay gagawing malapit ang mga serbisyo ng DMW sa mga OFW.
Sinabi naman ni Cacdac na ang dalawang bagong MWOs ay magpapadali din sa pakikipagsosyo sa mga lokal na negosyo upang lumikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino sa ligtas, maayos, at etikal na paraan.
Aniya, dalawa pang MWOs ay inaasahang bubuksan ngayong taon sa Bangkok, Thailand at Agana, Guam, na parehong strategic locations upang maabot ang mga OFW sa Southeast Asia at Micronesia, ayon sa pagkakabanggit. Jocelyn Tabangcura-Domenden