MANILA, Philippines – Nagsasagawa ng inspeksyon ang Department of Energy (DOE) sa mga gasolinahan matapos ang mga ulat na may ilang estasyon na naubusan ng diesel.
Ayon sa DOE, binabantayan ng kanilang mga field office at head office ang mga gasolinahan upang masiguro na walang hoarding at tama ang ipinatutupad na oil price increase. Ang mga mapapatunayang lumalabag ay papatawan ng kaukulang parusa.
Bagama’t may mahigit 14,000 gasolinahan sa buong bansa at hindi lahat ay maaabot ng inspeksyon, sinabi ng DOE na agad na ipapasa sa legal office ang mga ulat upang makapaglabas ng show-cause order laban sa mga lumalabag.
Magpapatuloy ang inspeksyon mula ngayong linggo at maaari ring ituloy sa susunod na linggo.
Nauna nang naubusan ng diesel ang ilang gasolinahan sa Quezon City dahil sa dagsa ng mga motorista bago ipatupad ang oil price increase noong Hulyo 21.
Ang maximum na pagtaas sa presyo ng langis ay:
–Gasolina: hanggang ₱3.65 kada litro
–Diesel: hanggang ₱10.68 kada litro
–Kerosene: hanggang ₱11.77 kada litro
Ayon sa DOE, ang pagtaas ng presyo ay dulot ng muling paglala ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran sa Middle East. RNT/MDS