MANILA, Philippines – Haharap sa bagong reklamo si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng umano’y hindi pagtupad sa 120-megawatt solar project sa ilalim ng government green energy auction program (GEAP).
Naghain ang Department of Energy ng civil complaint sa korte sa Taguig upang singilin ang ₱1.18 bilyong performance bond matapos umanong mabigo ang kanyang kumpanya na ma-develop ang General Santos solar farm.
Ayon sa 55-pahinang dokumento, si Leviste umano ang may kontrol sa SPCRPI at iba pang kumpanyang sangkot sa proyekto, kabilang ang Solar Philippines Southern Mindanao Corp. at Solar Philippines Power Project Holdings Inc.
Ang nasabing solar project, na nanalo sa unang round ng GEA noong 2022, ay inaasahang magpapalakas sa suplay ng kuryente sa Mindanao grid, na may target na simula ng operasyon sa pagitan ng Disyembre 26, 2022 hanggang Disyembre 25, 2025.
Ayon pa sa DOE, sa kabila ng paulit-ulit na abiso para i-renew ang performance bond, walang naging tugon mula sa grupo. Dahil dito, kinansela ng ahensya ang service contract noong Disyembre 2025.
Giit ng DOE, “Defendants honored none of these commitments—not a single watt was delivered.” RNT/MND