MANILA, Philippines – Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na inaasahang mas mataas ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong Hunyo kumpara noong nakaraang buwan dahil sa sunod-sunod na yellow at red alerts sa Luzon noong Mayo.
Ayon kay Garin, napilitan ang Meralco na gumamit ng mas mahal na pinagkukunan ng kuryente, kabilang ang mga planta na gumagamit ng liquefied natural gas (LNG), nang bumaba ang suplay ng kuryente sa merkado habang umiiral ang red alert noong Mayo 13 hanggang 15.
Para naman sa Visayas, sinabi ni Garin na mas mababa ang epekto sa presyo ng kuryente kahit may mga yellow alert pa rin dahil walang dagdag na gastos sa paglipat ng kuryente mula sa ibang grid.
Ayon sa Department of Energy (DOE), nagpapatuloy ang manipis na reserba ng kuryente sa Visayas dahil hindi pa nag-ooperate ang ilang coal-fired power plants at power barges. Dahil dito, hinihikayat ng pamahalaan ang ilang bagong planta na mas maagang magsimula ng operasyon upang madagdagan ang suplay ng kuryente.
Muling nanawagan si Garin sa publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente upang mabawasan ang demand at makatulong sa pagpapababa ng gastos sa konsumo.
Samantala, ipinaliwanag ng Meralco na maaaring mas mataas ang singil ng mga kabahayang may mas malaking konsumo dahil sa umiiral na socialized rate structure, kung saan tumataas ang kabuuang presyo kada kilowatt-hour habang lumalaki ang paggamit ng kuryente.
Pinayuhan din ng Meralco ang mga consumer na regular na tingnan at itala ang metro ng kuryente upang masubaybayan ang kanilang konsumo at maiwasan ang biglaang pagtaas ng bayarin. RNT/MND