MANILA, Philippines – Ipinahiwatig ni dating Senate President Franklin Drilon na maaaring may kaugnayan ang patuloy na hindi pagdalo ng mga miyembro ng Senate majority bloc sa plenary sessions sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa panayam sa dzBB, sinabi ni Drilon na posibleng iniiwasan ng majority senators ang pagdalo sa sesyon upang hindi magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado, na maaaring makaapekto sa takbo ng impeachment trial na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6.
Ayon sa kanya, kung walang sesyon at mag-a-adjourn ang Senado, mananatili ang kasalukuyang liderato na maaaring mangasiwa sa impeachment court.
Sinabi rin ni Drilon na ang hindi pagdalo sa sesyon ay may layuning maiwasan ang reorganization sa Senado at mapanatili ang kontrol ng kasalukuyang grupo.
Dagdag pa niya, may mga hakbang umano na ginagawa para baguhin ang rules sa attendance upang payagan ang pagboto kahit nasa abroad o nakakulong ang isang senador, na mahalaga umano para sa pagpapanatili ng kanilang boto bilang bloc.
Tinawag din ni Drilon na unconstitutional ang panawagan ni VP Sara Duterte, sa pamamagitan ng kanyang abogado, na ipawalang-bisa ang impeachment case, dahil ang Senado bilang impeachment court ay wala umanong kapangyarihan na basta-basta i-dismiss ang kaso.
Sinabi rin niya na maaaring kuwestiyunin sa Korte Suprema ang anumang hakbang na itinuturing na abuso sa kapangyarihan.
Samantala, dalawang araw nang hindi nakakapagdaos ng plenary session ang Senado matapos muling hindi dumalo ang mga miyembro ng majority bloc, na nagdulot ng panawagan mula sa minority senators para sa posibleng pagbibitiw ng Senate leadership. RNT/MND