MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Marso 3 ang publiko laban sa heat-related illnesses tulad ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke na mas laganap ngayong papasok na ang bansa sa dry season.
Ayon ito sa state weather bureau na PAGASA sa tatlong lugar na maaaring makaranas ng delikadong antas ng heat index. Kabilang dito ang Science Garden Quezon City (46°C), Clark Airport, Pampanga (46°C), at CLSU Muñoz, Nueva Ecija (45°C).
Sinabi ni DOH spokesperson Asssitant secretary Albert Domingo na ang ganitong temperatura ay maaaring humantong sa heat cramps o pamumulikat at heat exhaustion o pagkahapo na may mga sintomas tulad ng pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo at pagsusuka.
Paalala ni Domingo, ang mataas na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, seizure, kumbulsyon na maaaring makamatay kung hindi ginagamot.
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na makakaranas ng nabanggit na mga sintomas na sundin ang mga first aid measures;
* Ilipat ang tao sa mas malamig o malilim na lugar at ayusin ang bentilasyon;
* Tanggalin ang mga damit na maaaring makadagdag sa init ng katawan;
* Maglagay ng malamig na compress, ice pack, malamig na tubig, o malamig na basang tela sa balat, lalo na sa ulo, mukha, leeg, kilikili, pulso, bukung-bukong, at singit;
* Makipag-ugnayan sa mga serbisyong pang-emerhensiya o dalhin kaagad ang tao sa ospital.
* Kung may malay ang pasyente, pinayuhan ng DOH ang madalas ngunit mabagal na pagsipsip ng malamig na tubig.
Mungkahi rin ni Domingo na gumamit ng proteksyon sa araw gaya nang paggamit ng sumbrero, payong, sunblock at magsuot ng maluwag at magaan na damit.
Ayon sa PAGASA, medyo normal na ang matinding temperatura na tumatama sa bansa ngayong taon dahil nagsisimula nang lumipat ang bansa mula sa tag-ulan patungo sa tagtuyot.
Bunsod ng mataas na heat index, ilang lungsod at paaralan ang nagkansela ng klase nitong Lunes.
Samantala, umabot naman sa 40 degree celsius ang heat index sa Maynila, ayon sa Manila LGU.
Nakaranas ng maalinsangang panahon sa ilang bahagi ng Maynila.
Batay ito sa naitala sa sensor ng Manila DRRMO sa Delpan Evacuation center at Brgy. 598 Hall.
Gayunman, sa abiso ng DRRMO, posibleng iba rin ang nararanasang init sa ibang lugar dahil localized ang heat index.
Sa Arroceros Forest Park, dahil maraming puno ay mas mababa ng 5 degree celsius ang maitatalang damang init. Jocelyn Tabangcura-Domenden