Home NATIONWIDE Pagdami ng smuggled luxury cars pagpasok ng 2025, iimbestigahan ng Senado

Pagdami ng smuggled luxury cars pagpasok ng 2025, iimbestigahan ng Senado

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian para sa isang pagsisiyasat sa dumaraming insidente ng smuggling ng luxury car na nagreresulta sa malaking pagkalugi sa kita ng gobyerno.

Naunang inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 1318 matapos matuklasan na sunod-sunod ang pagpupuslit ng mamahaling kotse na napatunayan sa isinagawang paglusob sa ilang car dealers sa bansa.

“Sa kabila ng mga parusang ipinapataw sa smuggling at ang pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na pigilan ang mga insidenteng tulad nito, nananatiling laganap ang smuggling ng mga mamahalin o high-end luxury vehicles,” sabi ni Gatchalian.

“Dapat nang bigyang diin na ang smuggling ay nagdudulot ng malaking epekto sa ekonomiya dahil nawawalan ng kita ang gobyerno. Ang pagpupuslit ng mga mamahaling sasakyan ay lubhang nakakaapekto sa automotive industry, partikular na sa mga lehitimong negosyo,” punto ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.

Noong Pebrero lamang, tatlong magkakahiwalay na raid na agad ang isinagawa ng Bureau of Customs laban sa mga nagbebenta ng mga luxury car.

Isinagawa ang unang raid noong Pebrero 13 sa AC Che Gong Miao car shop sa Pasay City at Top Car Specialist and Trading kung saan umabot sa P1.4 bilyon ang halaga ng mga smuggled na luxury vehicles.

Ang ikalawang pagsalakay naman ay isinagawa noong sumunod na araw, Pebrero 14, kung saan umabot sa P366 milyon ang halaga ng mga smuggled luxury vehicles mula sa umano’y nagbebenta nito na ACH High-End Motor Service Center.

Noong Pebrero 19, isinagawa ang ikatlong raid sa Auto Vault Speed Shop sa Taguig City, na nagresulta sa pagkakasamsam ng P900 milyong halaga ng mga smuggled luxury vehicles.

Sa gitna ng talamak na smuggling ng mga mamahaling sasakyan, kailangang suriing maigi ng gobyerno ang diskarte nito sa pagsugpo sa smuggling sa bansa, diin ni Gatchalian.

Sa ilalim ng Section 149 ng National Internal Revenue Code, ang ad valorem tax sa mga sasakyan ay ipinapataw batay sa selling price ng manufacturer o importer at ang net ng excise at value-added tax.

Halimbawa, ang isang sasakyan na may net manufacturer’s price o importer’s selling price na higit sa P4 milyon ay mapapatawan ng 50% excise tax. Ernie Reyes