Home NATIONWIDE DOH nagpaalala sa publiko, dental services ng PhilHealth sulitin

DOH nagpaalala sa publiko, dental services ng PhilHealth sulitin

192
0

MANILA, Philippines — Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na samantalahin ang outpatient dental benefits ng PhilHealth na nagkakahalaga ng hanggang ₱1,000 kada miyembro, bilang bahagi ng primary care package.

Sa panayam sa DZMM, iginiit ng mga opisyal ng DOH na mahalaga ang preventive dental care dahil mas masakit, magastos, at mahirap gamutin ang mga advanced na problema sa ngipin.

Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Emmie Liza Perez-Chiong, mainam na magpatingin sa dentista dalawang beses sa isang taon, at mas madalas pa para sa mga madaling kapitan ng plaque.

“Ideally, every six months. Pero kung mabilis kang magkaroon ng plaque, puwede bawat apat na buwan,” ani Perez-Chiong.

Hinikayat din niya ang mga magulang na dalhin agad sa dentista ang mga bata sa oras na tumubo ang unang ngipin upang maagang maitanim ang tamang dental habits.

Saklaw ng PhilHealth dental benefit ang dalawang dental cleaning kada taon, dental checkup, fluoride application para sa mga bata at matatanda, at pit at fissure sealants upang maiwasan ang pagkasira ng ngipin kahit wala pang cavities.

Samantala, sinabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na kasalukuyang ina-accredit ng PhilHealth ang mga dentista na tatanggap ng pasyente sa ilalim ng dental benefit package.

“Aprubado na ito. Ang susunod na hakbang ay ang implementasyon,” ani Herbosa.

Aminado rin ang DOH na may kakulangan ng dentista sa bansa, na may isang dentista lamang sa bawat 52,000 hanggang 53,000 Pilipino, malayo sa ideal na 1:7,500 na itinakda ng World Health Organization. Isa umanong dahilan nito ang mababang sahod na nagtutulak sa mga dentista na magtrabaho sa abroad. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here