Home NATIONWIDE DOH: Pfizer bivalent, pedeng gamiting 3rd booster dose vs COVID

DOH: Pfizer bivalent, pedeng gamiting 3rd booster dose vs COVID

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) na pinayagan nito ang paggamit ng bakuna na Pfizer bivalent bilang ikatlong booster dose habang hinihintay ang pagdating ng COVID-19 bivalent vaccines.

Sa pinirmahang memorandum ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na may petsang March 31, ang “phased approach” ay dapat sundin kung saan ang mga nasa hustong gulang na kabilang sa mga kategoryang A1 (mga healthcare workers) at A2 (mga senior citizen) ang unang bibigyan ng Pfizer bivalent vaccine bilang ikatlong booster dose.

Ayon sa DOH, kailangan nilang maghintay ng hindi bababa sa apat na buwan pagkatapos matanggap ang kanilang pangalawang booster shot bago nila kunin ang susunod.

Ang mga piling ospital at iba pang health facility tulad ng city health offices at rural health units ay gagamitin para sa pilot roll-out sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Ang pagbabakuna sa ibang grupo ng populasyon ay dapat na buksan sa mga susunod na yugto, napapailalim sa pagkakaroon ng mga stock at posibleng mga teknikal na pagbabago.

Lumabas sa datos ng DOH noong Marso 20,2023 na 674,471 healthcare workers, at 970,020 senior citizens ang nakatanggap ng kanilang pangalawang booster dose.

Inirekomenda ng Health Technology Assessment Council (HTAC) noong Pebrero ang paggamit ng COVID-19 Pfizer bivalent vaccine bilang una, pangalawa at/o pangatlong booster dose para sa adults na kabilang sa A1, A2, at A3 (may comorbidities) categories, apat hanggang anim na buwan matapos matanggap ang unang serye o huling booster dose, ayon sa DOH.

Gayunman, nakararanas ng pagkaantala ang Pilipinas sa pagdating ng bivalent vaccines.

Nasa 391,000 doses ang dapat na inaasahang darating noong Mayo.

Noong Martes, sinabi ng DOH na natukoy na nito ang isang lokal na broker at ngayon ay nakikipagtulungan sa international logistics provider para sa pagdating ng mga donasyong bakuna sa “pinakamadaling panahon.” Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleHuling yugto ng cleanup ops para sa OrMin oil spill aabutin ng 20-30 araw – NTF
Next articleDesisyon ng SC na ‘di pagsosoli ng ipinataw na income tax ng water utilities, pinalagan