Home NATIONWIDE DOH: Wala pang napatutunayang epektibong lunas sa dengue

DOH: Wala pang napatutunayang epektibong lunas sa dengue

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng department of Health (DOH) ang publiko na wala pang magagamit na gamot para sa dengue na napatunayang mabisa at sinuportahan ng pag-aaral.

Ginawa ng DOH ang paalala sa gitna ng patuloy na pagsubaybay sa mga kaso ng dengue sa bansa.

Sa kasalukuyan, sinabi ni DOH medical officer Dr. Kim Patrick Tejano sa isang media conference na walang tiyak na regimen sa paggamot para sa dengue.

Tinalakay ni Tejano, mula sa Diseas Prevention and Control Bureau-Disease for Elimination and Vector-borne Diseases ang Dengue Prevention and Control Program ng DOH sa tatlong araw na “Engaging Media for Healthy Literacy” na inorganisa ng DOH-Health Promotion Bureau na ginanap sa Subic, Olongapo City mula Hunyo 13-15.

Ipinaliwanag ni Tejano na mayroong kasalukuyang pag-aaral sa posibleng gamot para sa dengue pero wala pang napatutunayang mabisa sa ngayon.

Inulit din ni Tejano ang babala ng DOH sa paggamit ng alternatibo at herbal treatments para sa dengue tulad ng tawa-tawa, siling labuyo at bayabas.

Ayon kay Tejano, ang pangunahing “dengue prevention and control” ay ang maagang  pagsusuri, agarang suporta sa pamamahala at napapanahong referral.

Kaugnay nito, sinabi ng DOH sa inilabas na pahayag nitong nakaraang araw, na ang bilang ng mga kaso ng dengue bawat linggo ay nagsisimula nang mag-plateau.

Sa datos sa buong bansa nitong Hunyo 1, sinabi ng DOH na ang bilang ng kaso ng dengue sa nagdaang tatlo hanggang apat na linggo ay nasa 5,368 na halos pareho sa iniulat sa nagdaang dalawang linggo na nasa 5,305.

Binanggit din ng DOH na pitong rehiyon ang nagpakita ng pagtaas ng mg kaso sa nagdaang tatlo hanggang apat na linggo kabilang ang Cordillera, Ilocos, Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Caraga, Mimaropa at Northern Mindanao.

Habang ang bilang ng mga kaso mula sa pinakahuling una at ikalawang linggo sa 3,793 ay maaring mas mababa, sinabi ng DOH na nananatili itong “maingat sa pagbibigay kahulugan” sa datos na ito.

Ayon kay Tejano, sa datos ng DOH, ang “dengue hotspots” ay kinabibilangan ng highly urbanized areas.

Dahil wala pang tiyak na regimen sa paggamot sa dengue, sinabi ni Tejano na ang mga itinatag na patakaran ay inilatag upang matugunan ang mga alalahanin na may kaugnayan sa naturang sakit.

Sa nasabing komperensya, tinalakay din ni Health Emergency Management Bureau Senior Health Program Officer Naomigyle Kammil Ontanilals ang disaster preparedness and management .

Ang aktibidad ay bahagi ng isang serye ng mga media conference ngayong taon upang i-orient  ang mga media practitioner sa buong bansa sa kasalukuyang thrusts ng DOH, kabilang ang 8-Point Action Plan nito, priority disease prevention and control programs, gayundin ang mga kasalukuyang isyu at alalahanin sa kalusugan.

Nilalayon din ng komperensya na gawing pamilyar ang mga kalahok sa mga konsepto at terminolohiyang pangkalusugan para sa karaniwang pag-unawa, tamang paggamit, patas at balanseng pag-uulat. Jocelyn Tabangcura-Domenden