MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Justice sa Meta, ang kumpanyang nagmamay-ari sa social media na Facebook, Instagram at WhatsApp, na bumuo pa ng dagdag na programa upang maprotektahan ang mga bata online.
Hiniling ni Justice Spokesperson Mico Clavano ng karagdagang mekanismo at inisyatibo para mas malawak ang maibibigay na proteksyon sa mga kabataan na nasa online.
Ang pahayag ng DOJ ay bunsod ng pangamba ng Department of Social Welfare and Development hinggil sa laganap sa social media ang illegal adoption at pagbebenta ng mga sanggol.
Naaresto kamakailan ng mga otoridad ang isang babae at kanyang broker sa Dasmariñas, Cavite dahil sa tangkang magbenta ng bata sa halagang ₱90,000.
Ang dalawang suspek ay nakasuhan na ng trafficking at child exploitation.
Samantala, umapela sa publiko si Clavano na agad ireport sa otoridad ang pagbebenta at illegal adoption ng mga bata na makikita sa mga social media platform. Teresa Tavares