MANILA, Philippines – Nagkaroon ng pagpupulong ang Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang kaayusan at kapayapaan sa mga rally na magaganap sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution bukas Pebrero 25, ayon sa opisyal ng DOJ nitong Martes, Pebrero 24.
Ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez, tinalakay ng PNP at DOJ kung saan ipoposisyon ang mga pulis at kung anong mga lugar ang kailangang bantayan.
“The DOJ through its prosecutors will be on stanby to assist law enforcement for the conduct of Inquest, if necessary,” sabi ni Martinez.
Ipinaliwanag niya na ang inquest proceedings ay isinasagawa upang matukoy ang bisa ng warrantless arrests.
Ilang grupo ang nagpahayag ng plano na magdaos ng ikatlong Trillion Peso March sa Miyerkules upang iprotesta ang katiwalian sa gobyerno at ang political dynasties.
Sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ipapatupad nito ang “no permit, no rally” policy para sa anibersaryo.
Nauna nang sinabi ng NCRPO na magde-deploy ito ng 14,000 pulis upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko. Jocelyn Tabangcura-Domenden