MANILA, Philippines – MULING pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang commitment ng administrasyon na palakasin ang food production at isulong ang kapakanan ng mga Filipinong magsasaka.
Inihayag ito ng Pangulo sa 2026 National Irrigation Administration (NIA) – National Confederation of Irrigators’ Associations (NCIA) General Assembly, kung saan sinabi niya na naglaan ang gobyerno ng mahigit sa P63 bilyon para sa irrigation systems sa buong bansa.
“Kaya’t nananatiling malinaw ang prayoridad ng administrasyong ito: patatagin ang produksyon ng pagkain, itaguyod ang kapakanan ng bawat magsasaka, at palawakin ang irigasyon sa buong bansa,” aniya pa rin.
“Upang ipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan at maisakatuparan ang mga nakalatag na plano, naglalaan tayo ng higit animnapu’t tatlong bilyong piso para sa mga programang pang-irigasyon,” dagdag na wika nito.
Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang mga opisyal ng NIA at NCIA na patuloy na suportahan ang mga magsasaka, binigyang diin na ang sektor ng agrikultura ay nakasandal sa kanila.
Pinuri naman ng Pangulo ang modernisadong command center ng NIA, pinahihintulutan ang real-time monitoring ng mga dams at weather systems na maaaring maka-apekto sa agricultural production.
“Noon, mano-mano at mabagal ang pagkuha ng mga datos. Kapag may problema sa dam o daluyan ng tubig, kailangan pang maghintay ng ulat kung ano ang kalagayan ng tubig. Minsan, nalalaman lang kapag nasira na ang pananim,” ang winika ng Pangulo.
“Ngayon, binago natin ang sistema. Sa loob ng command center, real-time na ang datos,” aniya pa rin.
Ang general assembly aniya ngayong taon ay naglalayong palakasin ang kolaborasyon o pagtutulungan ng national at international organizations para i- promote ang interests at kapakanan ng samahan ng mga irrigators at magtatag ng partnerships kasama ang government at non-government groups para suportahan ang agrikultura at kaugnay na serbisyo para sa mas mataas na farm productivity.
Hangad din nito na magsilbi bilang channel para sa technical at financial assistance para mas mapalago at mapaunlad ang irrigation systems. Kris Jose