MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Justice laban sa mga dayuhang manggagawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na sumuko na sa awtoridad.
Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kung hindi susuko ang mga dating tauhan ng POGO ay maaaring harapin ng mga ito ang legal na kahihinatnan kabilang ang permanenteng pag-blacklist sa kanila kung saan bawal na silang makapasok ng Pilipinas.
Sa datos ng Bureau of Immigration, sa 33,863 foreign POGO workers, nasa 22,609 lamang ang umalis na sa bansa.
Nangangahulugan na nasa 11,000 na dayuhang POGO workers ang nananatili sa bansa na lampas na sa ibinigay na panahon ng gobyerno para umalis sila ng Pilipinas.
Naninindigan aniya ang administrasyong Marcos na paigtingin pa ang laban kontra sa operasyon ng mga POGO na hindi sumunod sa kautusan na magsara na ng kanilang negosyo.
Magugunita na sa State of the Nation address ni Pangulong Marcoss noong July 2024, ipinagbawal na nito ang lahat ng POGO sa bansa. Teresa Tavares