MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa iba pang ahensya ng gobyerno para tutulan ang temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa pagpapatupad ng ₱85 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, katuwang ng DOLE ang National Wages and Productivity Commission (NWPC), Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR (RTWPB-NCR), at Office of the Solicitor General (OSG) sa pagharap sa legal na usapin.
Nilinaw ni Tolentino na hindi na kailangang ibalik ng mga manggagawa ang dagdag-sahod na natanggap na nila dahil ito ay itinuturing na kanilang karapatan.
“The worker already had a vested right to that. It should not be returned… because at the time it was prepared and received, there was no suspension order yet from the National Wages and Productivity Commission,” ani Tolentino.
Dagdag niya, hindi rin maaaring singilin ng mga employer ang mga manggagawa o kaltasan ang kanilang susunod na sahod para mabawi ang naibigay na dagdag-sahod.
Samantala, sinabi ni RTWPB-NCR Chair Sarah Buena Mirasol na nakikipagtulungan sila sa OSG upang ipagtanggol ang bisa ng Wage Order No. 27 at patunayan na nasunod ang tamang proseso sa pagtakda ng dagdag-sahod.
Naglabas ng TRO ang Pasig Regional Trial Court noong Huwebes laban sa pagpapatupad ng ₱85 wage hike sa NCR matapos ang petisyon ng dalawang kumpanya.
Kinondena naman ng ilang labor group ang desisyon ng korte, iginiit na kailangan ng mga manggagawa ang dagdag-sahod dahil patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain, transportasyon, kuryente, at iba pang pangunahing pangangailangan. RNT/MDS