MANILA, Philippines – Kinwestyon ng mga mambabatas kung bakit hindi pa rin nasolusyunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga pagbaha sa kabila ng paggastos ng P1.2 trilyon para sa flood control projects mula 2009.
Sa deliberasyon ng badyet ng DPWH, tinanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo at ACT Teachers Rep. France Castro si Public Works Secretary Manuel Bonoan kung bakit “until now, flooding is just the same as Ondoy.”
Ipinunto ni Quimbo, senior vice chair ng appropriations committee, ang dalawang proyekto sa Metro Manila na dapat sana ay makababawas sa mga pagbaha. Ito ay ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project at Metro Manila Flood Management Project Phase 1, na naiugnay sa matitinding delay at low fund use.
Ang dalawang proyekto ay foreign-assisted projects sa ilalim ng DPWH na pinopondohan ng foreign lenders, ngunit karaniwang kailangan ng counterpart fund mula sa general appropriations act.
Sumagot dito si Bonoan at sinabing bahagi ng problema ay ang budgetary allocations para sa official development assistance-funded programs na “drastically reduced against our national expenditure program proposals.”
Ang tinutukoy ng opisyal ay ang zero allocation ng ahensya sa foreign-assisted projects noong 2024 sa kabila ng hirit na P70 bilyon.
“This is very challenging on the part of DPWH because these are crucial infrastructure flagship projects…,” ayon naman kay Undersecretary Catalina Cabral.
Sa pangambang maulit sa 2025, humiling si Bonoan sa mga mambabatas na aprubahan ang kanilang request na mailaan ang P70 bilyon para sa fund foreign-assisted projects “to accelerate the implementation of our projects.” RNT/JGC