MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagpadala na ng bulldozer, backhoe at dredger upang matabunan ng lupa at putik ang tinatayang 30 ektaryang Navotas Sanitary Landfill na nasunog.
Bukod dito, handa rin ang DPWH na magdagdag pa ng heavy equipment upang suportahan ang operasyon ng Bureau of Fire Protection at lokal na pamahalaan ng Navotas.
Sinabi ni Dizon na inatasan ng Pangulo ang mobilisasyon ng lahat ng available resources ng pamahalaan, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor para sa karagdagang kagamitan at suporta.
Nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang tuluyang maapula ang sunog at mabawasan ang epekto nito sa kalusugan ng mga residente sa apektadong mga lugar.
Kabilang sa naapektuhan na ng makapal na usok ang mga residente sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela o CAMANAVA area, maging ang ilang bahagi ng Bulacan hanggang Bataan. Jocelyn Tabangcura-Domenden