Home OPINION DR. PILAR VICTORIA GARCIA DELA ROSA, TUMANGGAP NG  “PAHINUNGOD 2024 AWARD” MULA...

DR. PILAR VICTORIA GARCIA DELA ROSA, TUMANGGAP NG  “PAHINUNGOD 2024 AWARD” MULA SA PHILHEALTH REGION 10  

BINIGYANG-PAGKILALA ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) Northern Mindanao, Region 10 sa pangu­nguna ni regional vice president Delio Aseron II si Dr. Pilar Victoria Garcia Dela Rosa, medical health officer V ng East Avenue Me­dical Center (EAMC) para sa kanyang adbokasiya ng pagsusulong ng Universal Health Care (UHC) law at mga benepisyo ng health insurance corporation.

Isa si Dr. Dela Rosa sa mga tumanggap ng “Pahinungod 2024 – UHC Advocate Award” sa ginanap na seremonya sa LimKetKai Luxe Hotel sa Cagayan de Oro City nitong Nobyembre 8, 2024.
Si Dr. Dela Rosa ay siyang nasa likod ng dekalidad na serbisyong naipagkakaloob ng EAMC sa mga pasyente nito sa ilalim ng PHILHEALTH Z Benefit.

Noong dumating siya sa nasabing pagamutan noong 2021 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay tanging Z benefit for Breast Cancer pa lamang ang mayroon. Tatlong taon ang nakalipas, nasa sampu na mula sa labing walo Z benefit packages ang mayroon ang EAMC.

Mayroon nang cancer-related Z benefit packages ang ospital para sa Acute Lymphocytic Leukemia sa mga bata, cervical cancer, colon cancer, rectal cancer, prostate cancer, at ang Php 1.4 million breast cancer package.

Pagmamalaki ni Dr. Dela Rosa, sa Metro Manila, tatlong ospital lamang ang akreditado ng PHILHEALTH para sa breast cancer package, ang Philippine General Hospital na pinatatakbo ng University of the Philippines Manila, Cardinal Santos Medical Center at ang EAMC.

Karagdagang Z benefit packages ng ospital ang prematurity and small newborns at para sa mga bata na may problema sa pani­ngin, gayundin ang ilang orthopedic implants.

Isinasagawa din sa EAMC ang PD First Package o ang peritoneal dialysis first na isang serbisyo ng PHILHEALTH na lubhang malapit sa puso ni RVP Aseron. Pagbabahagi ni Dr. Dela Rosa, isinulong ng pinakabatang regional vice president ang pagpapabuti sa dialysis services ng ahensiya.

Pinasalamatan ni Dr. Dela Rosa si RVP Aseron sa kanyang suporta kung kaya naman ang EAMC ay isa sa mga nangungunang “KONSULTA provider” sa Metro Manila. Aniya, ang parangal ay nagpapalakas ng kanyang dedikasyon sa pagbibigay ng serbisyo sa mga nangangailangan at sa patuloy na pagpapabuti ng kalidad ng pangangalagang medikal ng ospital na kanyang pinaglilingkuran.

Hindi na bago kay Dr. Dela Rosa ang PHILHEALTH dahil dalawang dekada siyang nanilbihan dito bilang medical specialist na nakatulong para sa mas epektibong pakikipag-ugnayan sa health insurance corporation sa pagkakamit ng mga magagandang prog­rama.

“Pahinungod” na nasa ikatlong taon na ay ipinagkakaloob ng PHILHEALTH REGIONAL OFFICE X sa pangunguna ng Public Affairs Unit na pinamumunuan ni Merlyn Ybañez sa mga indibidwal at institusyong may makabuluhang ambag sa pagpa­pa­lawak ng saklaw ng serbisyo ng PHILHEALTH partikular ng UHC law sa mga komunidad.

Sa inisyatibo ni RVP Aseron ay nabuo ang “Pahinungod” na nagpapakita ng pagpapahalaga ng PHILHEALTH RO 10 sa pagkakaisa at pagtutulungan ng mga ahensiya ang pamahalaan, pri­badong sektor, at mga institusyong medikal upang mabigyan ng serbisyong dekalidad ang bawat Filipino.