PINATUNAYAN ni Laguna Gov. Ramil Hernandez na tuloy-tuloy ang kanyang Serbisyong Tama matapos mabigyan ng Commission on Audit (COA) ng matataas na marka ang pamahalaang panlalawigan sa magkasunod na taon ng 2022 at 2023.
Sa ulat ng COA na isinapubliko ng tanggapan ni Gov. Hernandez nitong Miyerkules (Nob.13) lumalabas na nakatanggap ng gradong “qualified opinion” para sa taong 2022 ang Laguna, at sa 2023 naman ay mas mataas na unmodified opinion.
Isinapubliko ng tanggapan ni Gov. Hernandez ang resulta ng COA audit sa gitna ng patuloy na paninira ng ilang kampo na naglalayong sirain ang kanyang reputasyon at pahinain ang kanyang maayos na pamumuno.
Ang annual audit ay isang pagsisiyasat na ginagawa ng COA tuwing magtatapos ang taon upang alamin kung ang isang ahensiya o tanggapan ng pamahalaan ay nakasunod at tumupad sa mga takdang panuntunan sa pamahahala ng naayon sa batas, lalo’t higit sa paggastos ng pera ng bayan.
Ito ay kadalasang binubuo ng auditor’s certificate, financial statements at mga audit observation at naangkop na rekomendasyon at marka.
Para sa 2022, sa isang sulat na ipinadala ni COA Regional Director Atty. Resurreccion C. Quieta noong May 24, 2023, nagpasalamat siya kay Gov. Hernandez dahil sa buong suporta na ibinigay niya sa kanilang grupo.
Nagresulta aniya ito sa mabilis at maayos na pagsasagawa ng pagsusuri sa account books and records ng lalawigan.
Matapos ang maingat at komprehensibong pagsusuri ay binigyan ng COA ng gradong “qualified opinion” ang pamahalaang lalawigan ng Laguna.
Ang ibig sabihin ng qualified opinion ay matapos ang pagsusuri ng COA nakitaan ng sapat at naangkop na mga dokumento at maayos na salansan ng mga ulat ang isang ahensiya upang matiyak na naging maayos ang mga transaksyon noong nasabing taon ng pagsusuri.
Para naman sa taong 2023 ay muling pinapurihan ni Regional Director Quieta si Gov. Hernandez sa kanyang liham noong Hunyo 10, 2024 dahil sa aniya ay maayos na kooperasyon na muling nagresulta sa maayos na pagsasagawa ng annual audit.
At matapos ang maingat na pagsusuri ay binigyan naman ng COA sa pagkakataong ito ang provincial government ng mas impresibong grado na unmodified opinion.
Ang unmodified opinion ay ibinibigay ng COA matapos mapagtanto ng mga state auditors na nasa ayos ang lahat ng mga kailangang dokumento na nakapaloob sa tinatawag na applicable financial reporting framework.
Sa madaling salita base sa mga COA Audit Report na ito ay naipakikita ang maayos na pamamahala ni Gov. Hernandez lalo’t higit pagdating sa maingat na paggastos ng pananalapi ng bayan.
Sa kanyang pahayag naman ay sinabi ni Gov. Hernandez sa kanyang official FB page na patuloy lang siya sa tama at maayos na serbisyo kahit pa anong kalseng paninira ang gagawin ng kanyang mga kalaban sa pulitika.