Home NATIONWIDE Dredging ng mga ilog, reforestration sagot sa pagbabaha sa Luzon- DPWH

Dredging ng mga ilog, reforestration sagot sa pagbabaha sa Luzon- DPWH

MANILA, Philippines – Para masolusyunan ang lumalalang pagbaha sa ilang probinsya sa Luzon, plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malawakang ‘dredging’ at ‘de-siltation’ sa mga ilog, maging ang pagtatanim ng puno.

Kailangan ding maisaayos ang drainage system ng mga subdibisyon para sa maayos na pagdaloy ng tubig.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, hindi na makayanan ang ulan na dumarating sa lugar dahil mababaw na ang mga riverbeds kaya bumabaha.

Dagdag pa na ang mga ilog sa Bulacan at Pampanga areas ay kailangang malaliman para mapataas ang kapasidad ng tubig na kayang hawakan lalo na sa mga panahon na malalakas at walang hinto ang pag-ulan.

Ngunit binigyan diin ng DPWH na hindi nila ito kakayanin at kailangan nila ng tulong ng mga lokal na pamahalaan at Department of the Environment and Natural Resources (DENR) para malabanan ang pagkakalbo ng mga bundok at soil erosion.

Makakatulong naman ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng komprehensibong drainage programs sa mga subdibisyon at ibang komunidad para tuluy-tuloy ang daloy ng tubig para hindi tumapon sa kalsada at maging baha.

Importante rin umano na magkaroon ng ‘land use program’ para matukoy kung saan dapat magkaroon ng mga developments at kung saan hindi maaari.

“Kasi alam na natin na flooded areas yung mga lugar na ‘yan and yet, kung minsan pinapagayan pa rin natin ipapatayo mga subdivisions,” saad pa ni Bonoan.

Nagdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Pampanga at Bulacan dahil sa matinding pagbabaha dahil sa walang humpay na ulan na idinulot ng bagyong Egay at Falcon kasama na rin ang habagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden