MANILA, Philippines – Inalis ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng survivor sa isang ‘Superman’ motorcycle stunt sa Marilaque Highway noong Enero na nagresulta sa pagkamatay ng isa pang rider at pagkakasugat ng ilang bystanders.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, pinayagan si Rico Akmad Buyawan na magpaliwanag ngunit napatunayan siyang nagkasala ng reckless driving at walang awtorisasyon sa pagmamaneho.
Binigyan-diin ni Mendoza na ang driver’s license ay isang pribilehiyo na may kasamang responsibilidad sa kaligtasan sa kalsada.
Ang insidente ay naganap sa Barangay Cuyambay, Tanay, Rizal noong Enero 26, kung saan si Buyawan at motovlogger John Louie Arguelles ay gumagawa ng stunt, ngunit nahagip ni Buyawan si Arguelles na nagresulta sa pagkamatay nito at pagkakasugat ng mga bystanders.
Bilang tugon, pinagtibay ng LTO ang kanilang road safety campaign at isang unity bike ride sa Marilaque Highway upang gawing mas ligtas ang kalsada para sa lahat. Santi Celario