MANILA, Philippines – Pinaiigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang operational readiness at mga panukalang pangkaligtasan sa baybayin kasunod ng babala sa tsunami na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa karagatan malapit sa Sarangani ngayong araw, June 8, 2026.
Bilang tugon sa advisory, inutusan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan PCG ang lahat ng apektadong Coast Guard Districts, Stations, at Sub-Stations na magpatupad ng precautionary measures, magpakalat ng babala sa tsunami sa mga komunidad sa baybayin, at makipag-ugnayan nang malapit sa mga local government unit at iba pang ahensya.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nakadeploy na ang mga tauhan ng PCG para tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon at pagsuporta sa paglilikas ng mga residente sa mga bulnerableng coastal area sa Sarangani, Davao Occidental, Tawi-Tawi, Sulu, Basilan, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat, at South Cotabato.
Mahigpit ding pinapayuhan ng PCG ang mga mangingisda at residente sa baybayin na sundin ang babala sa tsunami.
Hinimok ang mga may-ari ng barkong nakadaong sa pantalan at mababaw na tubig na ayusin at ilayo ang kanilang mga bangka sa waterfront, habang ang mga barkong nasa laot na ay pinayuhang manatili sa malalim na bahagi ng dagat hanggang sa susunod na abiso.
Samantala, inactivate na ng Coast Guard Districts sa mga apektadong rehiyon ang kanilang monitoring at response protocols para matiyak ang agarang paghahatid ng impormasyon at ang pagiging handa ng mga assets at tauhan sakaling kailanganin sa search, rescue, at humanitarian assistance operations.
Batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kampanyang iCARE, nananatiling nakatuon ang PCG sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga apektadong komunidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden