MANILA, Philippines – Magbibigay ng tulong pinansyal at psychosocial support ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng Filipinang caregiver na nasawi sa missile attack noong Marso 1 sa Tel Aviv, Israel.
Kinilala ang biktima na si Mary Anne Velazquez De Vera, isang overseas Filipino worker mula Basista, Pangasinan, na namatay matapos magtamo ng pinsala sa airstrike.
Ayon sa DSWD Crisis Intervention Program (CIP), nakipag-ugnayan na ang Field Office 1 sa Ilocos Region sa lokal na pamahalaan ng Basista upang matiyak ang maayos na koordinasyon at pagtulong sa agarang pamilya ng biktima.
“Nakikiramay kami sa naiwan nyang pamilya at handa po kami na magbahagi ng tulong sa kanila para malagpasan ang masakit na pangyayaring ito,” pahayag ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
“Magbibigay po ang DSWD ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program at psychosocial support para sa kanyang pamilya,” dagdag niya.
Ang AICS ay nagbibigay ng pansamantalang tulong sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng pagkamatay, sakit, kalamidad, at iba pang krisis.
Sinabi ni Dumlao na titingnan din ng DSWD ang posibleng livelihood assistance para sa pamilya sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs kaugnay ng repatriation ng labi ni De Vera at sa mga OFW na nagpahayag ng hangaring umuwi sa bansa dahil sa umiiral na tensyon sa Gulf region.
“Utos po ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguraduhin na ligtas ang ating mga kababayan na nasa Middle East. Makakaasa po ang publiko na handa po kaming magbahagi ng tulong para makapagsimula muli ang ating mga kababayan kung nais man nilang bumalik sa ating bansa,” ani Dumlao. Santi Celario