MANILA, Philippines – Inaresto ang isang pulis matapos umano niyang kidnapin ang isang siyam na taong gulang na batang babae sa Labrador, Pangasinan noong Pebrero 26.
Batay sa imbestigasyon, naglalakad pauwi ang biktima mula sa isang tindahan nang huminto sa kanyang harapan ang isang itim na sasakyan.
Binuksan umano ng suspek ang pinto, sapilitang isinakay ang bata, at mabilis na umalis bago iniwan sa Bugallon, Pangasinan kung saan siya nasagip.
Habang nasa loob ng sasakyan, napansin ng bata ang isang uniporme ng pulis na nakasabit sa likod. Positibo niyang itinuro ang suspek mula sa mga larawang ipinakita sa kanya at muling kinilala sa isinagawang lineup sa Sual, Pangasinan police station.
Kinumpirma ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Labrador police station.
Binigyang-diin ni Police Col. Arbel Mercullo, direktor ng Pangasinan police, ang kanilang paninindigan sa pagprotekta sa mga bata at sa mahigpit na pagpapatupad ng batas nang walang kinukunsinteng paglabag sa kanilang hanay.
Ayon sa Philippine National Police, naghain na ng kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa suspek sa Prosecutor’s Office sa Lingayen, Pangasinan. Mary Anne Sapico