MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes, Setyembre 17 na maaaring magpresenta ng kahit anong government-issued ID ang indigent senior citizen para sa pagkuha ng Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC).
Anang ahensya, ang National ID ay hindi mandatory requirement para sa payout.
“Nais lamang po naming klaruhin na hindi National ID lang ang tinatanggap namin tuwing payout ng social pension. Maaari pong magpresenta ng kahit anong valid government-issued ID ang ating mga lolo at lola, gaya ng senior citizen card, para matanggap nila ang kanilang pension,” saad sa kalatas ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Ang paglilinaw ay kasunod ng social media post ng isang Filipino vlogger na nakabase sa Australia na nagsabing inoobliga ng DSWD ang indigent senior citizen na magpakita ng National ID bago nila makuha ang buwanang pensyon.
Ani Dumlao, hinihimok lamang ng DSWD ang mga senior citizen na kumuha ng National ID para ma-access ang iba pang serbisyo ng pamahalaan at mga programa.
“Ine-encourage lamang po natin ang mga senior citizens na kumuha ng National ID dahil kalaunan ay ito na ang gagamitin ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno bilang pangunahin o primary ID sa pagkuha o pag-access ng serbisyo ng ating pamahalaan.” RNT/JGC