MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng suporta si Alyansa para sa Bagong Pilipinas Senatorial candidate Manny Pacquiao sa inilunsad na Star Digital Solution na makabagong paraan na tutulong sa pagpapalago ng negosyo ng digital e-commerce dahil ito ang magbubukas ng panibagong oportunidad para sa mga negosyanteng Pilipino.
Pinangunahan nina 8th division boxing icon at nagbabalik senador na si Manny Pacquiao kasama sina Scott So ng Star Digital Solution at Kevin Lim ng Manila E-Commerce Center, ang opisyal na paglulunsad ng makabagong paraan para maging mabilis, madali at kaagad na mapaunlad ang kanilang pagnenegosyo.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng dating Senador na nauunawaan niya ang daranasing hirap ng mga maliliit na negosyante upang makipagsabayan sa mga matatag na sa larangan dahil bago rin niya naabot ang rurok ng kanyang tagumpay sa larangan ng boxing ay kinailangan niya ang dedikasyon, disiplina at kakayahang umangkop sa kapaligiran.
Auon kay Pacquiao, sa pamamagitan ng Star Digital Solution ay mabibigyan ang mga maliliit na negosyante ng kaalaman at suportang kanilang kailangan upang mapagtagumpayan ang kasalukuyang mundo ng digital.
Hinikayat naman ni Pacquiao ang mga mamumuhunan, may dati ng negosyo, at maging mga content creators, na makiisa sa kanya sa ganitong kapanapanabik na paglalakbay sa mundo ng digital marketing na makakatulong aniya sa kanilang pagnenegosyo. RNT