Home HOME BANNER STORY Easter eggs saan nga ba nagsimula?

Easter eggs saan nga ba nagsimula?

Tuwing Mahal na Araw, hindi lamang pagpapasakit ni Hesus ang ginugunita ng mga Kristiyano. Ito rin ang panahon kung kailan ipinagdiriwang ang muli Niyang pagkabuhay at pagtatagumpay sa kamatayan.

Hindi maliit na okasyon ang Holy Week sa Pilipinas. Nag-uumpisa ito sa Linggo ng Palaspas at natatapos sa Linggo ng Pagkabuhay, kung saan tampok din ang Easter eggs, na karaniwang pinipintahan ng iba’t ibang kulay na may iba’t iba ring disenyo. Subalit, saan nga ba ito nagsimula?

Ayon sa iba, posible umanong hindi orihinal na mula sa mga Kristiyano ang Easter eggs. Sumisimbolo ang itlog sa “rebirth and fertility” sa maraming kultura, tulad na lamang ng Iran, Egypt, Ancient Greece, at Rome.

Giit ng ilan, pagano ang pinagmulan nito, kung saan ang Easter umano ay mula sa obserbasyon ng Spring Equinox. Inilalarawan ito bilang pagbabalik ng sun God. Samantala, base kay Venerable Bede, isang English monk na sumulat ng unang kasaysayan ng Kristiyanismo sa England, ang ugat ng salitang easter ay Eostre, isang pagan fertility goddess sa English at Germanic cultures.

Batay sa isang artikulo, ang Easter ay isang Anglo-Saxon festival noong unang panahon na nakatutok sa diyosang si Eastre at pagsisimula ng spring. Mahalagang parte ng selebrasyon ang itlog, na kinakain at posibleng ibinabaon sa lupa para sa “fertility.” Sa pagpasok ng Kristiyanismo, naging popular ang itlog bilang simbolo ng muling pagkabuhay ni Kristo.

Base naman sa ilang kwento, dahil bawal kumain ng karne tuwing Mahal na Araw, maging iba pang animal products kabilang ang mga itlog, inilalaga ang mga ito at itinatago saka ibinibigay sa mahihirap tuwing Easter holiday.

Samantala, nagsimula ang pagpipinta sa mga itlog noong una pang panahon, kung saan paborito itong kulayan ng pula.

Isa sa mga pinakamatandang ebidensya ng gawaing ito ay natukoy sa Britain noong 1290 sa librong Stations of the Sun: A History of the Ritual Year in Britain kung saan nakasaad na naglaan ang tahanan ni Edward I ng 450 itlog na pinintahan o ibinalot sa gintong dahon at ibinigay sa royal entourage para sa Easter. Makalipas ang dalawang siglo, pinadalhan ng Vatican si Henry VIII ng kulay pilak na itlog, na tinawag ding “eggsilver.”

Tradisyon din noon sa Orthodox at Eastern Catholic churches ang pagpinta sa mga itlog, na karaniwang kinukulayan ng pula bilang simbolo ng dugo ni Hesus na dumanak noong ipinako Siya sa krus. Binabasbasan ito ng mga pari sa pagtatapos ng Easter Vigil at ipinamimigay sa mga nananambahan; kumakatawan umano ang eggshell sa libingan ni Kristo at ang pagbiyak dito ang simbolo ng kanyang muling pagkabuhay.

Pagsapit ng late 19th at early 20th centuries, nakaugalian nang mamigay ng Easter eggs lalo na sa mga bata. RNT

Previous articleSen Pia, nagpaliwanag sa maternity leave ng nakunan!
Next articleEasterlies iiral sa malaking bahagi ng bansa