Home NATIONWIDE EcoWaste nagbabala sa pagbili ng unofficial Labubu items

EcoWaste nagbabala sa pagbili ng unofficial Labubu items

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Environmental group na EcoWaste Coalition sa publiko sa pagbili ng unofficial Labubu items na nagtataglay ng lead na mapanganib sa mga tao.

Sa isang pahayag nitong Sabado, Nobyembre 9, sinabi ng EcoWaste na naobserbahan nito na ang Labubu-inspired items ay umusbong sa buong Divisoria, Manila, kung saan ibinebenta ang mga imitasyon ng Labubu tulad ng stuffed toys, key chain, at phone accessories sa abot-kayang presyo.

Gaya ng inaasahan, ang mga Labubu-inspired products partikular ang mga laruan, ay ibinebenta nang walang kinakailangang authorization at labeling information.

Sa 42 item na binili ng grupo, natuklasan na lima ang naglalaman ng lead kasunod ng X-ray fluorescence (XRF) screening.

Naobserbahan din ng EcoWaste ang polyvinyl chloride (PVC) plastic sa 24 sa 42 item.

Ayon sa EcoWaste, ang PVC plastic ay kadalasang naglalaman ng ilang chemical additives, kabilang ang lead na ginagamit bilang stabilizer o colorants at phthalates bilang plasticizer.

Nanawagan ang EcoWaste sa mga magulang na panatilihing hindi maaabot ng mga bata ang tingga at PVC na mga produktong plastik at pumili ng may label at awtorisadong mga laruan para sa mga bata.

Ang PVC plastic ay kilala bilang endocrine disrupting chemicals (EDCs) o mga kemikal na maaaring humarang, gayahin, o makagambala sa mga hormone ng katawan, na maaaring humantong sa hika, abnormal na pagbuo ng ari, at mga problema sa pag-uugali. Jocelyn Tabangcura-Domenden