Home NATIONWIDE Education crisis dapat tutukan ng pamahalaan – Diokno

Education crisis dapat tutukan ng pamahalaan – Diokno

MANILA, Philippines – Nais ni Akbayan party-list representative-elect at Atty. Chel Diokno na isaprayoridad ng pamahalaan ang pagresolba sa education crisis ng bansa.

“’Yung isang bagay na kailangang matugunan ng ating pamahalaan, hindi lang ng Kongreso, ay ‘yung krisis natin sa edukasyon. Ako’y talagang alalang-alala at nababahala sa nangyayari sa atin at sa ating kabataan,” sinabi ni Diokno sa panayam ng Teleradyo Serbisyo nitong Linggo, Mayo 18.

Sinabi ng congressman-elect na dapat paglaanan ang education sector ng 6% ng gross domestic product ng bansa, batay sa Sustainable Development Goal threshold ng United Nations.

Ang 2025 education budget na P1.056 trillion ay hindi pa umabot ng 4% ng GDP.

Kasama pa rito ang budget allocation para sa Philippine National Police Academy at Philippine Military Academy, dahilan para magkaroon ng kwestyon sa constitutionality ng 2025 budget.

Maraming mga kritiko ang nagsasabi na ang dalawang akademya ay hindi dapat iklasipika bilang education sector.

Dagdag pa ni Diokno, ang pagresolba sa education crisis ay hindi lamang natatapos sa budget allocation. Kailangan din aniya itong i-monitor upang masiguro na ang badyet ay nagagamit sa maayos na paraan.

Pagpapatuloy, nais ni Diokno na alamin at suriin ang dahilan sa mataas na bilang ng out-of-school youths.

Iniulat ng Philippine Statistics Authority na halos 11 milyong bata at kabataan ang hindi pumapasok sa paaralan noong 2020.

Hindi lamang din masosolusyunan ng libreng tuition fee sa elementarya, high school at kolehiyo ang problemang ito dahil may mga gastusin pa katulad ng allowance, book fees, at mga school supply.

Dahil dito ay hinamon ni Diokno ang mga mambabatas na magpanukala ng batas na magpapababa sa bilang ng out-of-school youth.

“Kailangan mayroon tayong gawin para hindi lumaki pa yung numero na iyan at mai-reduce pa natin.”

“Ang ordinaryong mamamayan sa ating bansa ay palagi na lang nabibiktima ng abuso, nagiging dehado sa pang-araw araw na buhay. At ‘yung isang dahilan kung ganun ang sitwasyon nila ay dahil hindi kinikilala at nirerespeto yung ating karapatan,” dagdag ni Diokno. RNT/JGC