MANILA, Philippines – Naniniwala si Quad Comm lead chairman at Surigao Rep. Robert Ace Barbers na ang extrajudicial killing (EJK) ay dapat ituring na ‘special heinous crime’ at maihiwalay sa kasong murder.
“The intention of the proposal to us is really to elevate the killing perpetrated by state agents higher than the so-called murder, if that is possible. As I premise earlier that, if this will not violate the equal protection clause, eh sa tingin ko dapat klaro kung sino yung perpetrators ng EJK at sino yung hindi.”
Giit pa ng kongresista na kung ang salarin aniya ay ahente ng gobyerno ay dapat maituring na extrajudicial killing na siyang nilalayon naman ng panukalang batas.
Si Barbers ay isa sa mga pangunahing may-akda sa House Bill (HB) No. 10986, o mas kilala bilang Anti-Extrajudicial Killing Act, kung saan kaniyang nilinaw ang nilalaman ng nabanggit na panukala sa pagdinig ng Justice Committee.
“Let us differentiate EJK from murder to punish state actors behind killings. Private offenders will be covered by existing laws,” giit pa ng mambabatas.
Kasama rin ni Barbers na nag-akda sa panukala sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker David Suarez, Quad Comm co-chairmen Reps. Bienvenido Abante, Dan Fernandez and Stephen Joseph Paduano, Quad Comm overall vice chairman Romeo Acop and Reps. Johnny Pimentel, Gerville Luistro, Rodge Gutierrez, Paolo Ortega, Jay Khonghun at Jonathan Keith Flores.
Aniya makabubuting linawin at magkaroon ng hiwalay na kahulugan ang panukala ukol sa EJK upang tumayo ang bagong panukala at pagpaparusa sa EJK.
Sinabi ni Barbers na sa panahon ng mga pagdinig ng Quad Comm ay nalantad ang maraming napatay na drug suspects sa panahon ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
“‘Nanlaban. That is the common excuse for killing suspects, which, in many cases, we found hard to believe. Thus, we recommended this bill.”
Isang linggong palugit naman ang ibinigay ni Rep. Juliet Marie de Leon Ferrer, chairperson ng committee on justice sa mga ahensya at resource persons na dumalo sa pagdinig upang magbigay ng komento o posisyon sa Anti-EJK Act. Meliza Maluntag