Home HOME BANNER STORY Election period, nagsimula na!

Election period, nagsimula na!

MANILA, Philippines – Nagsimula na ang election period para sa May 12 midterm polls ngayong Linggo, Enero 12.

Dahil dito ay ipatutupad na rin ang mas mahigpit na security measures kabilang na ang gun ban at paglalagay ng mga checkpoint.

Sa mga checkpoint, tanging visual inspections lamang ang papayagan at pagbabawalan ang mga pulis na buksan ang trunk o glove compartment ng sasakyan.

Bawal din ang pagpapababa sa pasahero.

Ayon sa Commission on Elections, ang campaign period para sa senatorial candidates at party-list groups ay mula Pebrero 11 hanggang Mayo 10.

Itinakda naman ang campaign period para sa mga kandidato ng Kamara, parliamentary, provincial, city, at municipal elections mula Marso 28 hanggang Mayo 10.

Ang araw ng eleksyon ay nakatakda sa Mayo 12, ngunit ang overseas voters ay maaari nang bumoto mula Abril 13 hanggang Mayo 12, at ang local absentee voters ay mula Abril 28 hanggang 30.

Samantala, ipinagbabawal din sa election period ang paggamit ng security personnel o bodyguard ng mga kandidato kung hindi ito awtorisado ng Komisyon, ang alteration ng territory ng presinto o pagtatayo ng bagong presinto, paglilipat ng mga opisyal o empleyado sa civil service, pagbuo ng reaction forces, strike forces, o kaparehong pwersa, at suspensyon ng elective provincial, city, municipal, o barangay officers nang walang pag-apruba ng Komisyon.

Ang election period naman ay magtatagal hanggang Hunyo 11. RNT/JGC