Home HOME BANNER STORY Send-off sa mga pulis na magbabantay sa 2025 poll checkpoints, idinaos ng...

Send-off sa mga pulis na magbabantay sa 2025 poll checkpoints, idinaos ng PNP

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng send-off ceremony ang Philippine National Police para sa mga pulis na magmamando sa mga checkpoint ng Commission on Elections.

“Twenty-four hours po ito, so definitely around the city, there will be 14 checkpoints at any time,” saad sa pahayag ni Manila Police District Director PBGen. Arnold Thomas Ibay.

Nagsimula ngayong araw, Enero 12 ang nationwide gun ban na sakto rin sa pagsisimula ng election period para sa May 2025 polls.

Para maiwasan ang anumang election-related violence, sisiguruhin ng Comelec ang mahigpit na security measures sa mga checkpoint.

Samantala, visual inspections lamang ang papayagan at pagbabawalan ang pulisya na buksan ang trunk o glove compartment ng isang sasakyan.

“Hindi dapat sila (mga pulis) magre-react kasi magiging protection din ng bawat isa yung gagawin ng kababayan nating yun. Puwede tayong mag-video gamit ng ating mga cellphone. Magvi-video rin kami kung kinakailangan po para rin ma-document yung ginagawa namin,” ani PBGen Anthony Aberim, NCRPO regional director.

Sisiguruhin naman na ang mga checkpoint ay nasa maliwanag na lugar at nakasuot ng tamang uniporme ang mga pulis. Dapat din na nakikita ang name tags ng mga ito.

Dapat din na ipakita sa bawat checkpoint ang sign na nagpapakita ng pangalan ng precinct chief, local Comelec officer, at contact numbers para sa mga sumbong. RNT/JGC