Home NATIONWIDE Enrollment sa mga pampublikong paaralan sa SY 2024-2025 nagsimula na

Enrollment sa mga pampublikong paaralan sa SY 2024-2025 nagsimula na

MANILA, Philippines – Binuksan na ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, Hulyo 3 ang enrollment para sa School Year 2024-2025 sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.

Batay sa Department Memorandum 32 s. 2024 na pinirmahan ni DepEd Undersecretary Nolasco Mempin, ang pagsasagawa ng enrollment sa mga pampublikong elementary at secondary schools, kabilang ang community learning centers ay itinakda mula Hulyo 3 hanggang 26.

Maaaring isagawa ang enrollment sa paraang ‘in-person,’ remote, o sa pamamagitan ng dropbox forms na matatagpuan sa mga paaralan at barangay hall.

Saantala, maaari namang magkaroon ng sariling enrollment procedures ang mga pribadong paaralan, state and local universities and colleges (SUCs/LUCs), at Philippine Schools Overseas (PSOs) na ayon sa kanilang charters at school manuals, maging sa applicable DepEd policies.

Kailangan nilang iulat ang kanilang official enrollment sa pamamagitan ng kani-kanilang schools division offices bago mag-Hulyo 22.

Maaari namang magpasa sa Private Education Office ang mga PSO.

Ang SY 2024-2025 ay magsisimula sa Hulyo 29, 2024 at magtatapos sa Abril 15, 2025.

Noong Mayo, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hakbang na simulant na ang dahan-dahang pagbabalik sa lumang school calendar, kung kaya’t tinapos ang paparating na school year ng mas maaga kaysa sa orihinal na plano.

Nasa 27 milyon na mga estudyante ang naka-enroll sa mahigit 47,000 pampublikong paaralan sa buong bansa sa SY 2023-2024. RNT/JGC