Home NATIONWIDE Tolentino suportado pagtatayo ng medical school sa WMSU

Tolentino suportado pagtatayo ng medical school sa WMSU

Nagpahayag ng buong suporta si Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino para sa pagtatayo ng isang medical school sa Western Mindanao State University (WMSU) upang makatulong na magkaroon ng mas maraming doktor at gawing mas accessible ang serbisyong medikal sa mga Zamboangeño.

MANILA, Philippines – Suportado ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang pagtatayo ng kolehiyo ng medisina sa Western Mindanao State University (WMSU) sa Zamboanga City.

Ayon sa senador, ang pagtatayo ng isang medikal na paaralan sa WMSU ay lubos na pakikinabangan ng lungsod ng Zamboanga at sa buong rehiyon.

Ito aniya ay napapanahon dahil kailangan ng mas maraming doktor na naglilingkod sa mga lalawigan.

Sa kanyang programa sa radyo sa umaga na ‘Usapang Tol’, sinabi ni Tolentino na nais niyang tumulong sa pagpapatayo ng college of medicine sa WMSU at sa pagpapalakas ng medical education and training sa Zamboanga.

Malaking tulong aniya ito para ma-convert din ang kolehiyo bilang ospital balang araw.

Ibinahagi ni Tolentino na nalaman niya ang mga detalye ng planong pagtatayo ng isang medical school nang dumalo siya sa isang board meeting ng WMSU nitong nakaraang linggo, kasama ang mga administrador at opisyal ng unibersidad.

Dumalo rin ang senador sa isang espesyal na pagpupulong ng Board of Regents ng WMSU sa Zamboanga City.

Kapansin-pansin, inilagay ng World University Rankings for Innovation 2024 (WURI) ang WMSU sa ika-181 puwesto sa listahan ng Global Top 300 Innovative Universities nito.

Ginawa ang anunsyo noong Hunyo 7 sa 4th Hanseatic League of Universities (HLU) Conference na ginanap sa Franklin University, Switzerland. RNT