Pinagtibay ng Korte Suprema ang Executive Order (EO) No. 30 na inilabas noong 2017 na naglalayong pabilisin ang pag-apruba ng mga proyekto sa enerhiya sa pamamagitan ng paglikha ng Energy Investment Coordinating Council o EICC.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, ibinasura ng En Banc ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng ilang grupo ng mamamayan na humihiling sa Korte na itigil ang pagpapatupad ng EO 30 sa pamamagitan ng Environmental Protection Order (EPO).
Ang EO 30 ay nagtatag ng minimum na alituntunin para gawing simple at paikliin ang proseso ng pag-apruba ng Energy Projects of National Significance (EPNS). Kabilang dito ang: (a) presumption of prior approvals o pagpapalagay ng mga naunang pag-apruba, na nag-oobliga sa mga ahensya na simulan kaagad ang pagproseso ng mga permit application kahit na ang ibang mga permit ay nakabinbin pa rin sa ibang mga ahensya; (b) 30-araw na deadline para aksyunan ang mga kumpletong aplikasyon; at (c) awtomatikong pag-apruba kung walang aksyon na ginawa sa loob ng deadline.
Sinabi ng Korte na may kapangyarihan ang Pangulo na i-streamline ang mga proseso ng gobyerno hangga’t sinusunod nito ang mga umiiral na batas. Sinusuportahan din ng EO 30 ang pambansang mga layunin sa pagpapaunlad ng enerhiya na nakabalangkas sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) at Department of Energy (DOE) Act of 1992.
Pinagtibay din ng Korte ang mga alituntunin sa ilalim ng EO 30 na nagtatakda lang ng mga minimum standard para makatulong sa paggabay sa mga ahensya. Nilinaw nito na ang presumption of prior approvals ay nangangahulugan na ang mga permit ay maaaring iproseso nang sabay-sabay. Ang 30-araw na timeframe, sa kabilang banda, ay mas flexible kaysa sa mga deadline sa ilalim ng iba pang mga batas tulad ng DOE Act at ang Ease of Doing Business Act.
Dagdag pa ng Korte, hindi angkop ang EPO sa kasong ito dahil ang mga naturang kautusan ay nalalapat sa mga paglabag sa mga batas sa kapaligiran – hindi mga legal na hamon na tulad nito. TERESA TAVARES