CAGAYAN, Philippines – Tinutukan ngayon ng National Irrigation Administration (NIA) Region 02 upang matugunan at matulungan ang mga Irrigators Association (IA) o magsasaka na direktang naapektuhan sa nararanasang tagtuyot o el niño.
Ayon kay Regional Manager Engr. Raymundo B. Apil ng NIA Region 02, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng NIA sa mga ahensya ng gobyerno na may direktang tugon sa mga magsasaka tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang ahensiya para sa mga alternatibong pamamaraan ng pagsasaka at mga livelihood assistance sa mga tinaguriang Bagong Bagong Bayaning Magsasaka.
Kung kayat patuloy ang kanilang isinasagawang system committee meeting katuwang sina Engr. Edison Tolentino, Division Manager ng NIA Isabela IMO, Engr. Jason Bryan Teaño, Acting Division Manager ng NIA Cagayan Batanes IMO kabilang ang NIA Nueva Vizcaya IMO sa pamamagitan ni Engineering and Operation Division Manager Engr. Orlando Cabilangan at ilan opisyal ng NIA Quirino IMO sa mga opisyal at miyembro ng Irrigator Associations sa Rehiyon Dos upang masolusyunan ang mga problema sa patubig ng mga sakahan.
“Nabigyan po tayo ng kautusan mula sa central office na makipag-ugnayan sa ibang agency, at ang NIA naman ay puspusan ang pagsasagawa ng system committee meeting sa mga magsasaka para mabigyan ng tamang impormasyon at solusyon sa mga problemang kinakaharap lalo na ang usapin sa patubig,” ani Engr. Apil.
Nilinaw ni Engr. Apil na sa ngayon ay mababa ang lebel ng tubig sa mga “water source” tulad ng Cagayan River na ginagamit sa pumping irrigation system kaya ipinatutupad muna ang irrigation schedulling o ang takdang pagpapadaloy ng tubig sa mga kanal.
Malaking tulong din umano ang solar-powered irrigation system ngunit apektado rin ito dahil sa pagbaba ng lebel ng tubig na dala ng nararanasan el niño.
Sa kasalukuyan, ang napapatubigan lamang ngayon ng NIA ay umaabot sa 55,000 ektarya lamang o 44% mula sa kabuuang 118,000 ektaryang sakop ng irigasyon sa Region 2 dahil sa epekto ng dry spell o el niño.
Sa kabila nito, patuloy ang operasyon ng mga irrigation system ng NIA sa nasasakupan nito, maliban sa ilang pumping irrigation na apektado ng mababang lebel ng tubig tulad ng Solana Pump Irrigation System, at ang inaayos na kanal ng Chico River Pump Irrigation Project sa Tuao at Piat.
Samantala, iminungkahi ni Engr. Apil ang pagtatanim ng mga high value crops o mga pananim na matibay sa tag-tuyot bilang alternatibo sa palay lalo na kung walang siguradong suplay ng tubig. (REY VELASCO)