Home OPINION EPIC MELTDOWN

EPIC MELTDOWN

“WHO can stand before jealousy?” sabi sa Proverbs. “Wrath can be cruel and anger overwhelming. Indeed, they may sweep all before them to instant destruction, like a tsunami hitting the coastlands.”

Wow! Nakamamangha ang katotohanang nakasaad sa Bibliya at ang pagsasalarawan nito sa puso ng tao, kahit sa modernong panahon. Para sa akin, napatunayan natin ito kamakailan lang kung gaano katindi ang nangyayari kapag nilamon na ng galit ang isang tao. Tama ba, Vice President Sara?

Nitong Biyernes, matapos bumida sa mga balita ang pambihirang pagkakataon na makitang nagkakasundo sina President Bongbong Marcos at dating VP Leni Robredo, pinili ng ating “Pambansang Inday” na mag-alburoto sa isang press conference — nanggigigil sa matinding galit, sa loob ng halos dalawang oras.

 Agaw-eksena ang matinding kaibahan sa may dignidad na paghaharap sa Sorsogon nitong Huwebes nina Leni at BBM at ang naisapublikong pagmamarakulyo ni VP Sara kinabukasan. Sa kabila ng kanilang masalimuot na political rivalry, nagawa nina Robredo at Marcos na maging sibilisado at disente sa isa’t isa — nagpapakita ng maturity at parehong pagkauunawa sa tungkuling kaakibat ng pagiging lingkod-bayan.

Gayunman, sa panig ni VP Sara, siya mismo ang nambalewala sa pagrespeto sa kanyang sarili sa nakababahalang pagbubunganga niya tungkol sa umano’y kapalpakan sa pamumuno na para bang inindiyan siya ni BBM sa kanilang prom night.

Pasensya na sa naging pagkukumpara ko, pero ‘di ko lang maiwasang mapaisip — iyon bang saglit na pagkakamay at tagos sa pusong ngitian sa pagitan ng mga dating magkaaway sa pulitika ang ipinagmamaktol ni Inday?

Marahil ang sagot ay nasa pag-amin mismo ni VP Sara na pakiramdam daw niya ay “nagamit” siya ng kampo ni Marcos upang masigurong mananalo ito sa pagkapresidente noong 2022 — isang bagay na mas malaki ang posibilidad na may bahid ng katotohanan kaysa pagpapaka-bitter. Totoong hindi kayang manalo ni Bongbong sa Visayas at Mindanao nang siya lang.

 Pero ganoon talaga ang kahihinatnan kung ang disposisyon niya ay katulad lang din ng kay Inday Sara dalawang taon na ang nakalipas nang maghain ito ng kandidatura para manalo at hindi para sa anomang makabuluhang ideyalismo.

 Kaya naman ngayon, kapag nagbubulalas siya ng kanyang pagkadismaya sa administrasyong Marcos, na tinatawag niyang “road to hell” ng bansa — isa rin siya sa mga dapat sisihin. Sa kanyang walang pakundangang pambibira, nabanggit pa niya ang tungkol sa paghukay sa bangkay ng ama ni Marcos para itapon iyon sa West Philippine Sea.

Dito na naging foul ang lahat. Sobrang hindi ito katanggap-tanggap para sa sinomang Pilipino, o kahit sinong tao.

Tama si Senate President Chiz Escudero nang magpahayag ng kanyang pananaw sa nangyari sa paraang may dignidad pa rin, ipinaalala sa Bise Presidente na ang sinabi niyang iyon ay “unbecoming” para sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Gaano man siya kadismayado, inaasahan pa rin sa kanya ang disenteng asal. Ipinahiya niya ang sarili niyang tanggapan at ang mataas na posisyong kanyang hinahawakan at pinagmukha ang sarili na isang “karen” na kailangang magmumog ng marumi niyang bunganga.

                            *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).