Home METRO Estudyante sugatan sa tandem sa Taytay

Estudyante sugatan sa tandem sa Taytay

TAYTAY, Rizal- ISASAILALIM ngayon sa dalawang operasyon ang isang 20-anyos na estudyante matapos barilin ng riding in tandem suspect sa Taytay, Rizal, noong Huwebes.

Ayon sa report ng Taytay Police Station, madaling-araw noong Marso 14, naganap ang insidente sa kahabaan ng C6 Road, Sitio Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal.

Sinabi ni Taytay Deputy Chief of Police PMaj. Russell Abundo, kasama ng biktima na hindi pinangalanan ang kanyang nobya sakay ng kanilang motorsiklo ng bigla na lamang silang nasiraan.

Dahil dito, huminto ang biktima para ayusin ang motorsiklo ng bigla na lamang silang lapitan ng dalawang kalalakihan na nakasakay sa motorsiklo.

Dito, sapilitang inagaw ng mga suspek ang motor ng biktima kahit nagmamakaawa na ito ay bigla na lamang siyang pinagbabaril sa pisngi saka mabilis na tumakas.

Humingi naman ng tulong ang nobya ng biktima sa mga residente subalit tinanggihan ito maging ang ambulansya ng naturang barangay ay hindi sila pinasakay para dalhin sa ospital maging ang mga barangay tanod ay hindi man lamang sila nirespondehan.

Ilang concerned citizen naman ang nakahingi ng tulong sa pulisya kaya agad na dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikadarakip sa mga ito.

Kaugnay nito, binatikos naman ng ilang riders ang naturang lugar dahil sa suki ito ng riding in tandem at hindi man lamang ito nagagawa ng aksyon ng barangay na nakakasakop.

Nanawagan naman ang mga biktima sa mga opisyales ng Brgy. Sta. Ana Lupang Arenda na tutukan ang nabanggit na lugar para wala ng mabiktima pa.

Humihingi naman ng tulong ang pamilya ng 20-anyos na estudyante para sa pagpapa-opera nito./Mary Anne Sapico

Previous articleSenate probe sa Chocolate Hills controversy, sinusugan ni Bong Go
Next articleGinang nagulungan ng trak, pisak