Home NATIONWIDE Senate probe sa Chocolate Hills controversy, sinusugan ni Bong Go

Senate probe sa Chocolate Hills controversy, sinusugan ni Bong Go

Sa gitna ng lumalaking usapin sa pagtatayo ng mga resort sa loob ng Chocolate Hills, isang UNESCO Heritage Geopark sa Bohol, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na mahalagang mapalakas ang turismo ngunit dapat na sundin ang mga batas sa kapaligiran upang protektahan natural heritage sites sa bansa.

Bilang miyembro ng Senate committees on tourism and environment, sinabi ni Go na handa siyang lumahok sakaling magkaroon ng imbestigasyon sa Senado sa nasabing usapin upang matiyak na mananatiling prayoridad ang pangangalaga sa kapaligiran kasabay ng paglago ng turismo.

“Ako po’y nananawagan, kung kailangan nating imbestigahan ito, check nating mabuti. Importante po ang pagprotekta sa environment,” ani Go.

Habang kinikilala ang mga benepisyong pang-ekonomiya ng turismo, iginiit ng senador ang kritikal na pangangailangan na balansehin ang kita sa ekonomiya sa pagpapanatili ng kapaligiran.

“Importante po ang turismo, karagdagang trabaho, malaking tulong po ito. ‘Pag may mga turista, may mga mabibigyan po ng trabaho sa kanilang mga lugar,” sabi ni Go ngunit mahigpit aniyang dapat na sundin ang mga batas at regulasyon sa kapaligiran.

“Balansehin po natin. Gusto natin ang turismo, ngunit protektahan muna ang kapaligiran,” idiniin ng senador.

Binigyang-halimbawa ni Go ang Boracay, kung saan ang kawalan ng pagsunod sa mga regulasyon sa kapaligiran ay humantong sa malaking pinsala sa ekolohiya.

“Noong una, ‘yung Boracay, maganda. Pero hindi sinusunod ‘yung tamang environmental regulations. So, maraming na-violate. Nakita n’yo, ang dumi, kahit saan na lang ‘yung drainage, pinasara nang ilang buwan,” ayon sa senador.

Kasunod ng pagsasara, ang pagbabago ng Boracay sa isang mas malinis na destinasyon ng mga turista, binigyang-diin ni Go, ay isang positibong resulta ng pagsisikap na ginawa ng administrasyong Duterte.

Ani Go, ang implikasyon ng pagkasira ng kapaligiran, ay humahantong sa panganib ng mga natural na sakuna, tulad ng pagbaha, climate change at pagbabago ng geographic position ng Pilipinas sa Pacific Ring of Fire.

Iginiit niya ang kritikal na pangangailangang protektahan ang kapaligiran bilang isang depensa laban sa kalamidad at iba pang mga hamon na nauugnay sa climate change.

Nauna rito, naglabas ng closure order ang Department of Environment and Natural Resources sa kontrobersyal na resort sa Chocolate Hills dahil sa operasyon nito nang walang environmental compliance certificate. Idineklara naman ng Department of Tourism na hindi akreditado ng ahensiya ang resort.

Idineklara ang Chocolate Hills bilang National Geological Monument at Protected Landscape noong 1997, at ang mga ito ay mahalagang bahagi ng natural na pamana ng Pilipinas. RNT

Previous articleOFW, anak na Hapon natagpuang patay sa bakanteng lote sa Quezon; tiyahing person of interest, sumuko!
Next articleEstudyante sugatan sa tandem sa Taytay