MANILA, Philippines – Inihayag ni Senator Rodante Marcoleta na naghahanda siyang magsampa ng ethics complaint laban sa isang kapwa senador dahil sa umano’y pagpapakalat ng “false narrative.”
Sa isang programang kanyang co-host, sinabi ni Marcoleta na nakagawa na siya ng draft ng reklamo at inaayos na lamang ang ilang bahagi nito. “… gagawa ka ng ganong klaseng naratibo, ibang-iba doon sa tunay na nangyari, may siguradong sa Ethics Committee ang bagsak mo. Alam mo, sa totoo lang, meron na ako draft niyan eh. Inaayos na lang ang ilang bahagi. Kasi, sapagkat gusto ko talagang ilitaw yung mga pinaggagawa niya, patungkol sa isang naratibong taliwas sa tunay na nangyari. Sa aking palagay, hindi puwedeng palampasin itong ganito,” ani Marcoleta.
Hindi niya agad pinangalanan ang senador ngunit kalaunan ay inakusahan niya si Senator Panfilo Lacson ng umano’y pag-splice ng video mula sa Commission on Appointments hearing noong Pebrero 4 tungkol sa ad interim appointments ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Marcoleta, layunin umano ng naturang false narrative na magdulot ng galit sa publiko.
“At na-a-agitate nga nila sapagkat mayroon na nagsasabi nagagalit ang mga kababayan natin na nakatira diyan sa Pag-asa at sa iba’t ibang features na ino-occupy ng ating mga kababayan. Hindi naman nila… alam naman na wala naman akong sinasabing ganun. Sila yung gumawa, kagaya ng palagi natin sinasabi, mahilig silang gumawa ng isang bagay, gagamitin nila yung tinatawag nating straw man fallacy,” aniya.
Iginiit ni Marcoleta na theoretical lamang ang kanyang mga pahayag sa pagdinig at hindi siya nagmungkahi na isuko ang Kalayaan Island Group.
Samantala, itinanggi ni Lacson ang paratang at sinabing wala siyang alam sa umano’y video splicing.
“Reports have reached me that a fellow senator has threatened to file an ethics complaint against me for supposedly splicing a video taken during a CA confirmation hearing. Paano ba mag-splice ng video? I have no idea. Please teach me,” ani Lacson.
Dagdag pa niya, “What’s happening? Kakasuhan daw si ex Justice Carpio ng treason, wala namang giyera; kakasuhan daw ako for splicing a video, hindi naman ako marunong mag-splice.”
Wala pang itinakdang petsa kung kailan pormal na ihahain ni Marcoleta ang ethics complaint. RNT