Home NATIONWIDE Libreng kuryente sa Pinoys na mababa ang konsumo, pinasasabatas

Libreng kuryente sa Pinoys na mababa ang konsumo, pinasasabatas

236
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang isang panukalang batas na magbibigay ng libreng kuryente sa mga kabahayang mababa ang konsumo sa pamamagitan ng direktang subsidiya mula sa pamahalaan.

Layunin ng House Bill No. 2700, o Free Electricity for Low-Consumption Households Act, na sagutin ng gobyerno ang kabuuang bayarin sa kuryente ng mga kwalipikadong kabahayan hanggang sa itinakdang monthly threshold at alisin ang 12 percent value-added tax (VAT) sa subsidized na halaga.

Sa ilalim ng panukala, kwalipikado ang mga kabahayang may average monthly consumption na hindi lalampas sa 135 kilowatt-hours (kWh) sa loob ng tatlong buwan o may buwanang bayarin na hindi lalampas sa PHP2,000, alinsunod sa sertipikasyon ng Energy Regulatory Commission at Department of Energy.

Sinabi ni Marcos na layunin ng panukala na palitan ang kasalukuyang cross-subsidy system kung saan ang ibang consumer ang sumasalo sa bahagi ng subsidized na gastos sa kuryente.

“While unquestionably noble in intent, the current system of electricity subsidies — delivered through the lifeline rate for indigent consumers and the senior citizen discount — is implemented through cross-subsidies, where other consumers shoulder the cost,” ani Marcos.

Binanggit din niya ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies na nagpapakitang nagkakaiba ang lifeline discounts depende sa distribution utility, kaya kailangan ang direktang subsidiya mula sa gobyerno.

Sa ilalim ng panukala, obligadong maglabas ng zero-charge electricity bills ang distribution utilities sa mga kwalipikadong kabahayan at maghain ng reimbursement claims sa pamahalaan, na sasailalim sa audit ng Commission on Audit.

Kung lalampas sa itinakdang threshold ang konsumo sa isang billing period, kailangang bayaran ng kabahayan ang buong halaga ng kanilang bill ngunit maaari pa ring muling maging kwalipikado sa mga susunod na buwan.

Kasama rin sa panukala ang dalawang taong transition period kung saan sabay na ipatutupad ang direktang subsidiya at kasalukuyang lifeline rate habang nire-review ang sistema.

“In enacting this measure, Congress affirms that electricity is a necessity which the State must make affordable and accessible,” ani Marcos. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here