Home ENTERTAINMENT Evangeline, muntik nang maging kabit!

Evangeline, muntik nang maging kabit!

Manila, Philippines- Makulay ang buhay ng actress- beauty queen, radio host at philanthropist na si Evangeline Pascual.

Galing kasi siya sa pamilya ng mga doktor at mga negosyante pero napadpad siya sa pagrampa at pag-aartista.

Sumali raw siya sa beauty contests tulad ng Ms. RP Philippines noong 1973 dahil ambisyon talaga niyang maging beauty queen.

Masaya naman siya dahil suportado ng kanyang mga magulang ang kanyang naging desisyon noon.

Pagbabalik-tanaw pa niya, bilang paghahanda ay nangalap pa raw siya ng 100 questions mula sa iba’t-ibang tao ng kanyang ama para pasagutin sa kanya.

Pati raw sa public speaking class ay in-enroll siya para mahasa ang pagharap niya sa mga tao.

Si Evangeline ay nanalo bilang Miss Republic of the Philippines 1973 at naging kinatawan ng bansa sa Miss World kung saan tinanghal itong first runner-up.

Noong natanggalan daw ng korona ang nagwaging Ms. World 1973 dahil na-disqualify, tinanggihan daw niya ang korona para humalili sa winner.

Kaliwa’t-kanan daw kasi ang mga ginagawa niyang mga pelikula noon kaya hindi na niya kakayanin ang pressure ng pagiging Ms. World.

Wala raw naman siyang regrets dahil namukadkad ang kanyang showbiz career kung saan naging leading lady siya nina Fernando Poe, Jr, Ramon Zamora, Eddie Garcia at maraming iba pa.

Naranasan na rin daw niya noon na i-pamper ng mga lalake kung saan kapag may date daw ay sinusundo pa siya sa helicopter.

Ilang taon na rin siyang biyuda at proud siya na naitawid niya sa pag-aaral ng kanyang mga anak na sa kasalukuyan ay pamilyado nang lahat.

Sa vlog ni Morly Alinio, proud din niyang sinabi na sa kanyang edad ay wala pa raw siyang pinareretoke sa kanyang katawan.

Malaking bagay daw na aktibo pa siya at may sinusunod na health regimen.

Marami rin daw na umaaligid na suitors ang nagpaparamdam sa kanya.

Aminado naman siyang na-involved siya sa may asawa pero hiniwalayan daw niya nang mabuking niyang may sabit na.

Never daw kasi na pinangarap niyang maging kabit.

Bilin daw ng kanyang tatay bago ito sumakabilang-buhay ay mag-asawa na siyang muli na sa ngayon ay pinag-iisipan daw niya. Archie Liao