Home NATIONWIDE Ex-CJ Sereno pinawalang-sala sa tax evasion

Ex-CJ Sereno pinawalang-sala sa tax evasion

MANILA, Philippines- Inabswelto ng Court of Tax Appeals (CTA) si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kasong tax evasion.

Sa 50 pahinang desisyon ng CTA, sa inisyal na pagsusuri ay walang ebidensya ng “false return” sa kaso ni Sereno matapos walang ibinigay na computation ang Bureau of Internal Revenue (BIR) upang masiguro na nagkaroon ng misdeclaration sa kanyang income tax returns.

Sinabi ng CTA na walang intensyon si Sereno na umiwas sa pagbabayad ng tamang buwis at nagkamali lamang ito sa kanyang BIR Form 2316 at annual income tax return.

“If there were such an intent, petitioner would not have filed annual income tax returns for tax years 2012, 2014, and 2015 and voluntarily paid income taxes in the amounts of P253,665.28, P50,800.00 and P1,600.00, respectively, in addition to the taxes withheld and paid by the Supreme Court.”

Huli na rin nang isilbi ng BIR kay Sereno ang Formal Letter of Demand/Final Assessment Notice (FLD/FAN) para sa tax years na 2011 hanggang 2016 noong November 2018. Ang assessment para sa tax years 2011 hanggang 2014 ay napaso na noong nabanggit na petsa.

Dahil dito, sinabi ng CTA na ang FLD/FAN na inisyu kay Sereno ay walang bisa dahil inisyu ito lampas sa three-year prescriptive period.

Kung tutuusin ayon sa tax court, mayroon pang hanggang November 5, 2021 ang BIR para kolektahin kay Sereno ang na-assess na kakulangan sa buwis ngunit sinimulan lamang ng BIR na maningil noong May 10, 2022 nang magsumite ito ng komento sa petition for review ni Sereno. Teresa Tavares