MANILA, Philippines- Ibinasura ng Quezon City RTC Branch 224 ang kaso laban sa Dominican priest na si Fr. Winston Ferdinand Cabading, O.P. na inakusahan na nakasakit sa “religious feelings” nang kwestiyunin nito ang umano’y aparisyon ng Birheng Maria na naganap sa Lipa City, Batangas noong 1984.
Ito ay matapos katigan ng QC RTC ang motion to quash na inihain ni Cabading.
Nakasaad sa desisyon ni Presiding Judge Zita Marie Atienza-Fajardo na hindi sapat at hindi naging partikular ang mga paratang laban kay Cabading para makumbinsi ang korte na nagkasala ito ng “offending the religious feelings”.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni dating Commission on Elections (Comelec) chairperson at Sandiganbayan associate justice Harriet Demetriou hinggil sa mga komento ni Cabading noong 2020 sa isang online show kaugnay sa Lipa apparition.
Kinuwestiyon ni Cabading ang langis na lumabas sa estatwa ng Birheng Maria maging ang naganap na pagpapaulan ng rose petals.
Gayunman, sinabi ng korte na ang personal statements at komentaryo ng naturang pari ay hindi ginawa sa lugar ng pagsamba.
Idineklarang ang ginawa ng pari ay hindi nakasasakit sa damdamin ng mananampalataya. Teresa Tavares