MANILA, Philippines- Nakatakdang gisahin ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si Wilfredo Gonzales, dinismis ng pulis na nahuli sa isang viral video na nanutok ng barili sa isang siklista sa isang road rage sa Welcome Rotonda, Quezon City.
Sinabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng panel, na kapag binalewala ni Gonzales ang ipalalabas na subpoena, kakasuhan ito ng contempt at ipapaaresto sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado.
“Ipa-subpoena natin siya kung hindi siya magsipot at kung hindi pa din siya sumipot sa subpoena, puwede natin siyang ipaaresto sa sergeant-of-arms natin,” giit ni Dela Rosa.
Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang lupon sa Septyembre 5, dakong ala-10 ng umaga alinsunod sa inihaing Senate Resolution No. 763 ni Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Pia Cayetano.
Sinabi ni Dela Rosa na itinakda ang imbestigasyon kahit binawi ng siklista ang reklamo laban kay Gonzales na pinaniniwalaang inareglo ng dating kasamahang pulis nito sa Quezon City Police Station.
“The investigation in aid of legislation goes beyond the filing of appropriate charges against the erring gun holder,” giit ni Dela Rosa.
Hiniling din ng senador kay Gonzales at siklista na dumalo sa hearing upang madinig ang lahat ng panig.
Nitong Huwebes, iniimbestigahan ng Quezon City Council ang insidente, upag matukoy kung paano hinawakan ng Galas Police Station ang kaso na nagresulta sa aregluhan, at gustong malaman ng konseho ang final report ng Quezon City Police District kabilang ang pagkansela ng lisensiya sa baril at pagmamaneho ni Gonzales.
Samantala, pinuri naman ni Dela Rosa ang Philippine National Police (PNP) sa desisyon nitong bawiin ang firearm privileges ni Gonzales, sa pagsasabing hindi katanggap-tanggap ang ginawa nito sa sibilisadong lipunan.
“Hindi pupwede ‘yung gano’n. Gagamit ka kaagad ng baril. Hindi ‘yon karapat-dapat kahit na sabihin mo pantakot lang ‘yon. “But still, napakalaki po ng impact nun sa nakakita na bumunot ka ng baril, kumasa ka pa, kahit sabihin mo na ‘di mo tinutukan,” aniya.
Ipinaliwanag pa ng senador na pangunahing layunin ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence na ibinibigay ng PNP na protektahan ang gun holder laban sa karahasan at hindi manakot o gumawa ng agresibong pagkilos laban kaninuman.
“Tama lang ‘yung ginawa ng PNP na tanggalan siya ng lisensya ng baril at saka lahat ng mga permit sa baril na binigay sa kanya ay tinanggal sa kanya,” giit ng senador. Ernie Reyes